LTFRB

LTFRB pinabibilis pagbibigay ng ayuda sa gas, diesel

Jun I Legaspi Apr 7, 2026
102 Views

TULUY-tuloy ang pagsasaayos ng sistema ng pagbibigay ng P5,000 fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni Lopez.

Layunin ng pagpapa-expedite na mapabilis at epektibo ang distribusyon hanggang sa antas ng mga munisipyo, ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza.

“Ang layunin natin ay matapos ang buong distribusyon sa lalong madaling panahon. Hindi puwedeng patagalin pa dahil patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina at diesel,” sabi ni Chairperson Mendoza.

Batay sa pinakahuling datos, halos P1 bilyon na ang naipamahagi sa National Capital Region, P200 milyon; LTFRB Central Office, P150 milyon; CALABARZON, P99 milyon; Central Visayas, P86 milyon; Central Luzon, P82 milyon; at Northern Mindanao, P69 milyon

Saklaw ng distribusyon ang mga driver at operator ng modern at tradisyunal na jeepney, UV Express, regular at P2P buses, TNVS partners, taxi at tricycle.

Inatasan na ni Chairperson Mendoza ang mga regional director na palakasin pa ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga stakeholder upang mas mapabilis ang distribusyon sa kani-kanilang mga rehiyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kasabay nito, nakikipagtulungan ang LTFRB sa transport sector para sa masusing beripikasyon ng mga benepisyaryo.

“Tinitiyak namin sa ating mga kababayan na ang buong pamahalaan ay nagtutulungan, hindi lamang para maipamahagi agad ang fuel subsidy, kundi para makahanap pa ng iba pang paraan upang matulungan ang PUV sector,” dagdag ni Mendoza.