Calendar

Kampanya ng LTO laban sa colorum MC taxis sinusuportahan ni Vargas
SINUSUPORTAHAN ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas ang ilulunsad na kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga colorum na motorcycle (MC) taxis.
Paliwanag ni Vargas na nais lamang ng LTO na matiyak ang kaligtasan ng libo-libong parokyano o commuters ng MC taxis sa pamamagitan ng pagpapa-igting ng kanilang kampanya laban sa mga colorum na operasyon ng MC taxis.
Pagbibigay diin ng kongresista na maituturing na isang malaking banta sa kaligtasan ng publiko ang mga hindi rehistradong rider na lumalabag sa mga regulasyon ng LTO kung saan dapat mas maging masigasig ang gobyerno sa pagsugpo sa mga colorum na MC riders.
Paglilinaw ni Vargas na hindi nito tinututulan ang operasyon ng mga MC taxis sa bansa. Bagkos, ang kaniyang tinututulan ay ang patuloy na operasyon ng mga colorum na MC taxis sapagkat niligagay nito sa panganib ang buhay ng kanilang mga pasahero.
Sabi ni Vargas na hindi maaaring hayaan ng pamahalaan na malagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko partikular na ang mga tumatangkilik ng MC taxis dahil sa mga rider na hindi naman dumaan sa proseso ng batas at tamang pagsasanay.
Dahil dito, iminumungkahi pa ng Quezon City solon na dapat palakasin pa ng LTO ang pagpapatupad nila ng kampanya laban sa mga colorum na public transportation upang mapanatili ang mataas na pamantayan ng kaligtasan para sa mga lehitimong operators.
Samantala, idinaos ng pamilya Vargas kasama na si QC 5th District Councilor Alfred Vargas ang isang araw ng pasasalamat para sa kanilang libo-libong supporters na tumulong sa kanila noong nakalipas na May 2025 mid-term elections.
Tiniyak naman ng magkapatid na Vargas na sisikapin nilang ipagpatuloy ang kanilang mga programa para sa mga residente ng 5th District.