Phivolcs Source: Phivolcs file photo

Kanlaon may senyales ng maaaring pagsabog, pagpasok sa danger zone sinuspindi

22 Views

DUMAGUETE CITY – Inanunsyo ng Regional Task Force Kanlaon nitong Martes ang walang takdang suspensyon ng pagpasok sa loob ng pinalawak na 6-kilometrong danger zone ng Bulkang Kanlaon sa hilagang bahagi ng Negros, dahil sa mga senyales na maaaring magresulta sa panibagong pagsabog.

Ang suspensyon ng pagpasok mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ay magsisimula sa Miyerkules at mananatili hanggang sa maglabas ng panibagong abiso.

Ayon sa task force, ang hakbang ay base sa mga parametron na posibleng senyales ng biglaang pagsabog, batay sa mga naunang karanasan.

Binanggit ng task force ang Kanlaon Volcano Bulletin mula alas-5 ng umaga ng Lunes hanggang alas-5 ng umaga ng Martes, kung saan iniulat ang 31 na lindol sa bulkan, 1,020 toneladang sulfur dioxide emission kada araw noong Mayo 26, 700 metrong plume (usok), at tuloy-tuloy na katamtamang pagbuga ng gas na lumilipad pahilagang-kanluran.

Ayon kay Seth Cabanas Bariga, assistant information officer ng Incident Command System ng Canlaon City, mahigit 2,000 na IDPs ang maaapektuhan ng pansamantalang pagbabawal.

“Ang bilang ng IDPs na bumabalik sa kanilang bahay o bukirin sa danger zone sa pagitan ng 6 a.m. hanggang 4 p.m. ay pabago-bago araw-araw,” ani Bariga sa isang panayam.

Dagdag pa niya, ang mga IDPs ay binibigyan ng day pass upang makabisita sa kanilang mga tahanan o alagaan ang mga alagang hayop. Tinitiyak ng mga safety officer na nakakabalik sila sa evacuation centers sa pagtatapos ng araw sa pamamagitan ng imbentaryo at paghahanap sa mga hindi pa nakakabalik mula sa danger zone.

Wala pa umanong inilalabas na opisyal na gabay si Mayor Jose Chubasco Cardenas para sa mga evacuees habang hinihintay ang pulong na gaganapin sa huling bahagi ng Martes, ani Bariga.

Sa kasalukuyan, 2,450 katao o 779 pamilya ang nananatili sa pitong evacuation camps sa Canlaon City.