Marlon Purificacion

Kapag binoto n’yo si Leni, binoto n’yo na rin ang mga rebeldeng komunista

289 Views

TAMA si presidential candidate Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Mababalewala ang anim na dekadang pananaig ng pamahalaan sa mga grupo na kumakalaban sa estado kung magkakaroon ng alyansa ang ilang kampong pulitikal sa mga rebeldeng grupo na ang tanging layunin lamang ay kunin ang kapangyarihan ng gobyerno.

Ang pahayag na ito ni Lacson ay sinabi sa panayam ng Bombo Radyo noong Huwebes ng umaga para linawin ang mga bumabatikos sa kanya dahil sa nakalipas na pahayag hinggil sa campaign rally ni Leni Robredo sa Cavite kamakailan.

“Ang worry ko lang doon kung merong isang posible o looming coalition na naman between ‘yung movement na ang sole objective lang naman mag-seize ng power sa gobyerno. Eh delikado. Ma-se-setback na naman ‘yung gains na nakuha ng [gobyerno], itong present administration, doon sa laban natin against insurgency,” ani Lacson.

“Hindi ba dapat tapusin na natin kasi meron nang momentum? ‘Yon lang naman ang worry ko,” pahayag pa ng presidential candidate bilang tugon sa mga netizen na kumuyog sa kanya sa Twitter dahil sa kanyang post—na pinararatangang isang uri diumano ng red tagging.

Ayon sa dating hepe ng Philippine National Police, ang kanyang sinabi ay batay na rin sa nakalap niyang impormasyon na may mga komunistang grupo ang gumagamit ng mga malawakang pagtitipon ng ibang mga kandidato para isulong ang kanilang ideolohiya.

Kinumpirma rin ito ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz na dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at sumuko sa gobyerno.

Sa isang video, ibinahagi ni Ka Eric ang mensaheng ipinadala sa kanya ng dating kasamahan mula sa CPP-NPA operatives na nakabase sa Cavite, kung saan inamin nilang may mga miyembro ng militanteng grupo at CPP-NPA ang dumalo sa campaign rally ni Robredo.

“Siya mismo inisa-isa niya ‘yung mga dumalo doon sa rally doon sa Cavite na, ‘yon nga, nasa mga front organizations nila dati, na ‘yung iba nandiyan pa. So, marami siyang in-identify na mga pangalan e na kung saan nandoon mismo sa rally. So, somehow na-validate naman ‘yung intelligence source ko mismo,” aniya pa.

Sinabi ni Lacson na malinis ang kanyang hangarin sa paglalabas ng impormasyong ganito. Mas mabuti umano na buksan ang isipan ng publiko upang makita nila ang lahat ng mga posibleng kahantungan ng pagpili nila ng iboboto para maging susunod na lider.

Naniniwala rin ang chairman ng Partido Reporma na ngayong humaharap ang bansa sa mga panloob at panlabas na giyera, kinakailangan na may karanasan sa anumang laban ang susunod na mamumuno sa mga Pilipino.

Mabigat ang paratang na ito ni Lacson.

Naniniwala tayong hindi maglalabas ng ganitong uri ng impormasyon ang running-mate ni vice-presidential bet Tito Sotto kung wala siyang pinagbabatayan.

Higit lalo ay isang matinong alagad ng batas si Ping at wala naman sigurong puwedeng mag-menos ng kakayahan nito para kumuha ng isang ‘intel’ na impormasyon.

Kasi kung ang isang karumal-dumal na krimen nga ay kaya nitong masugpo noong panahon niya sa PNP, ang makakuha pa kaya ng ulat patungkol sa mga teroristang NPA?

Kaya simple lang ang payo natin sa ating mga kababayan.

Huwag na huwag po kayong magkakamali na iboto ang tambalan nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan dahil kapag nabola nila kayo, tiyak ang ibinoto na rin ninyo ay mga rebeldeng komunista.