Kapunan

Kapunan binalaan mag-uugnay sa private prosecutors sa Palasyo

64 Views

Tinutulan ng mga pribadong tagausig ang pag-uugnay sa kanila sa Malacañang sa kaso ng impeachment ni VP Sara

TINUTULAN ng mga pribadong abogado na tumutulong sa House panel sa kasong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte ang anumang pagtatangkang ituring silang mga abogado ng Malacañang. Iginiit nila na hindi sila tumatanggap ng mga tagubilin mula sa Palasyo, Senado, o alinmang tanggapan ng pulitika.

Tinalakay ng beteranong litigator na si Lorna Patajo-Kapunan ang isyu matapos kuwestiyunin ang pinagmulan ng ilang abogado sa unang grupo ng mga pribadong tagausig, kabilang ang makasaysayang ugnayan ng PECABAR Law sa pamilyang Marcos.

“Kung mula man sa Kamara, Senado, o Malacañang, hindi kami tumatanggap ng instruksyon. Narito kami upang magbigay ng aming propesyonal na tulong. Kami mismo ang bumubuo ng aming sariling pasya hinggil sa mga isyung pampulitika at mayroon kaming kanya-kanyang paniniwalang pampulitika,” diin ni Kapunan.

“Kaya kung sasabihin nilang ang mga private prosecutors ay taga-Malacañang, mag-isip-isip sila. Marunong din kaming magsampa ng cyber libel complaint gaya ng mga public prosecutors,” dagdag niya.

Nilinaw rin ni Kapunan ang isang typographical error na tila nagpapahiwatig na nagtrabaho siya sa Malacañang, at iginiit na hindi siya kailanman nagsilbi sa Palasyo.

“Hindi ako kailanman nagtrabaho sa Malacañang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataong gawin iyon. Kaya typo error lang po iyon,” paglilinaw ni Kapunan.

“Nakapagtrabaho ako sa Pecabar at masasabi ko para sa mga private prosecutors at sa aming mga abogado na hindi kami tumatanggap ng instruksyon mula kaninuman,” dagdag niya.

Kinilala naman ni PECABAR Law managing partner Marforth Fua ang dating ugnayan ng kanilang law firm sa pamilyang Marcos, ngunit iginiit na ang imbitasyong tumulong ay nagmula sa House prosecution panel at hindi kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. o sa sinumang miyembro ng Unang Pamilya.

“Hindi naman namin maitatago ang aming pagkakakilanlan dahil ang Pecabar, mula pa noong panahon ni Pangulong Marcos Sr., ay talagang malapit na iniuugnay sa mga Marcos. Ngunit ang humingi ng aming suporta ay ang Kamara, hindi ang Pangulo at hindi rin sinuman sa Unang Pamilya,” paliwanag ni Fua.

“Kaya hindi namin maitatago ang aming pagkakakilanlan. Ngunit makikita ninyo na kami ni Dean Diokno ay dati pang magkalaban sa korte,” dagdag niya.

Iginiit ni Fua na ang kanilang partisipasyon sa impeachment ay isang propesyonal na gawaing legal at hindi isang partidista o personal na misyon.

“Ngunit ngayon, narito kami para sa isang iisang layunin. Kaya gaya ng sinabi ko, isa lamang ito sa mga karaniwang kasong hinahawakan ng aming law firm,” ani Fua.

“Wala itong anumang espesyal na katangian. Isa lamang itong ganap na propesyonal na pakikipag-ugnayan,” dagdag pa niya.

Ipinagtanggol naman ni SALiGAL Law managing partner Amando Virgil Ligutan ang kasarinlan at kakayahan ng mga abogado ng PECABAR, at sinabing walang kinalaman ang anumang nakaraan nilang ugnayang pampulitika sa kanilang kasalukuyang gawain.

“Anuman ang kanilang naging pampulitikang kaugnayan noon, wala itong kinalaman sa gawaing nasa harap nila ngayon. Napaka-independent, napaka-kapanipaniwala, napaka-propesyonal, at higit sa lahat, napakakompetente ng ating mga abogado mula sa Pecabar,” diin ni Ligutan.

Nilinaw naman ng lead prosecutor at kinatawan ng Batangas na si Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na ang pagpili sa mga pribadong tagausig ay eksklusibong desisyon ng 11 House prosecutors.

“Nais naming linawin na ang pagpili ng mga private prosecutors ay eksklusibong desisyon ng 11 House prosecutors. Kami ang nagpapasya kung sino ang tutulong sa amin bilang mga private prosecutors,” pahayag ni Luistro.

Nauna nang ipinakilala ng House prosecution panel ang mga abogado mula sa PECABAR Law, Kapunan and Castillo Law Offices, at SALiGAL Law bilang unang grupo ng mga pribadong tagausig na tutulong sa paglilitis ng impeachment sa Senado.