Karambola ng 4 na sasakyan sa Southern Leyte, 22 sugatan

Zaida Delos Reyes Jul 20, 2024
60 Views

SUGATAN ang 22 pasahero sa karambola ng apat na sasakyang na kinabibilangan ng dalawang Philtranco bus, isang kotse at isang motorsiklo nitong Martes ng gabi sa Silago, Southern Leyte.

Batay sa ulat ng Silago Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong 8:00 ng gabi sa Barangay Ichon, Katipunan, Silago, Southern Leyte.

Sangkot sa banggaan ang dalawang Philtranco bus na minamaneho nina Ramel Bingel at Edmund Ocfemia, isang Kia Bonggo na minamaneho ni Virgek Santuya Gula at motorsiklo na pag-aari ni Zincky Aste Daloraya.

Tinangkang lagpasan ng bus na minamaneho ni Bingel ang nasa unahang kotse na patungkong Abuyog Leyte subalit nasagi niya ito dahilan upang bumangga ang huli sa nakaparadang motorsiklo habang sumalpok naman ang bus sa kasalubong na bus na patungo naman sa Manila.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan, sugatan ang mga pasahero kabilang sina Bingel at Ocfemia.

Isinugod ang mga biktima sa Abuyog District Hospital habang ang mga sasakyan na sangkot sa banggaan ay inimpound sa Silago Municipal Police Station.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.