Calendar
Karapat-dapat maging DOH Secretary si Teddy Herbosa
ANG kilalang si Dr. Teodoro Herbosa ay isa sa mga tanyag na manggagamot na maaring maging susunod na Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health o DOH), sakaling siya ang mapili ng bagong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM).
Natapos si Herbosa ng kanyang Bachelor of Science in Biology cum laude, at ng Doctor of Medicine sa Pamantasan ng Pilipinas (UP). Nagsanay din siya sa mga kilalalang mga dalubhasaan ng medisina sa America, sa United Kingdom, at sa Switzerland.
Nagturo si Herbosa sa UP College of Medicine at siya ay naging tagapangasiwa rin sa mga palatuntunang pangkalusugan ng Philippine General Hospital. Siya rin ay naging Executive Vice President ng UP mula 2017 hanggang 2021.
Dati rin siyang naglingkod bilang Undersecretary of Health.
Si Herbosa ang isa sa mga alagad ng pamahalaan na nagbigay ng pag-asa sa mga mamamayang Pilipino nung kataaasan ng pandemya ng COVID-19 sa taong 2020. Halos araw-araw, lumalabas si Herbosa sa telebisyon upang iulat ang mga dapat gawin ng taong-bayan upang iwasan nilang mahawaan ng COVID-19.
Ipinaliwanag din ni Herbosa na kinakaya ng agham gumawa ng sapat na bakuna laban sa COVID-19, kaya kailangan lang magtiyaga ang mga Pilipino sapagkat darating rin ang nasabing bakuna matapos ng sapat na panahon.
Ang mahalaga, ayon kay Herbosa, ay manatiling ligtas muna ang mga mamamayang Pilipino hanggang sa magawa na ang bakuna laban sa COVID-19, at magamit na ito sa Pilipinas.
Dahil sa mga pahayag ni Herbosa, hindi nawalan ng pag-asa ang mga Pilipino na maari tayo magtagumpay laban sa pandemyang nakasira sa lipunan at sa ekonomiya ng bansa at ng buong daigdig. Sa pamamagitan ng kanyang mga pahayag pang-araw-araw, binigyan ni Herbosa ng lakas ng loob ang maraming Pilipino upang manatiling ligtas sa Covid-19.
Maaring higit na marami pang namatay na Pilipino kung hindi nila sinundan ang mga payong pangkalusugan na inihain ni Herbosa sa telebisyon, pati na rin sa mga pahayagan.
Ang magandang balita ay maraming sumasang-ayon na si Herbosa ay magiging mabuting Kalihim ng Kalusugan o DOH Secretary sakaling siya ay palaring mapili ni Pangulong BBM.
Sumulat na ang Philippine Medical Association (PMA) kay Pangulong BBM upang imungkahi na si Herbosa ang gawing DOH Secretary. Ang PMA ang samahan ng lahat ng mga manggagamot sa Pilipinas, at ito rin ang sandigan laban sa mga anomaliya sa mga pagamutan at sa larangan ng medisina.
Tinatangkilik rin ni Palawan Governor Dennis Socrates ang pagkakataong si Herbosa ay mapiling DOH Secretary. Kamakailan lang, sumulat si Socrates kay Pangulong BBM upang ipagkaloob sa pangulo ang nalalaman ni Socrates tungkol sa kabutihan at taos-pusong paglilingkod sa madla ni Herbosa.
Ikabubiti ng bayan kapag si Herbosa ang mapiling susunod na Kalihim ng Kalusugan.