Robin

Karapatan ng Barangay Health Workers ibinidani Robin

212 Views

NARARAPAT lamang na suklian ang ating mga barangay health workers (BHWs) sa kanilang mga sakripisyo para pangalagaan ang kalusugan ng pangkaraniwang Pilipino sa pamamagitan ng dagdag na pabuya.

Ito ang nilalaman ng Senate Bill 232 ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nagmamandato ng karampatang benepisyo sa mga BHW habang ipinagbabawal ang anumang diskriminasyon laban sa kanila.

Sinusulong din ng panukalang batas ang karapatan ng mga BHW na magtatag ng samahan para manawagan ng tugon sa kanilang mga hinaing sa mapayapang paraan.

“With the huge role that our BHWs perform in our health sector, it is only proper that the State likewise protect those who protect our people by giving them just compensation and other benefits and incentives that they rightfully deserve,” ani Padilla sa kanyang panukalang batas.

“This bill also includes the BHWs’ right to self-organization in order to freely form, join or assist organizations to obtain redress of their grievances through peaceful concerted activities, in a manner not contrary to law,” dagdag niya.

Sakop ng panukalang batas ang BHW na nakarehistro at naka-accredit sa municipal o city health board. Para ma-accredit ang BHW, dapat ito nakabuo ng hindi bababa ng dalawang taon ng “continuous and satisfactory service,” at nakabuo ng “regular training program on health care service and community-based health program” na bubuuin ng DOH.

Ang municipal at city health offices ay inaatasang bumuo ng updated na BHW Registry, habang ang Department of Health ay magtitiyak na may updated na national registry ng BHWs.

Kabilang sa mga tungkulin ng BHW ang pagiging “advocate” ng programang pangkalusugan; “educator” sa pamayanan tungkol sa health priorities ng local government units; “disseminator” ng health updates sa pamayanan; “coordinator” sa health services; “record keeper” ng health data, activities at events sa pamayanan; at “health care service provider.”

Hindi bababa sa isang BHW ang itatalaga para sa bawa’t 20 pamamahay sa isang barangay.

Kasama sa mga benepisyo sa ilalim ng panukalang batas ang:

* 20% diskwento sa mga nakatala sa Expanded Senior Citizens Act of 2010
* Hazard allowance na hindi bababa sa P1,000 kada buwan
* Subsistence allowance na di bababa sa P100 kada araw
* Transportation allowance na di bababa sa P1,000 kada buwan
* One-time Retirement Cash Incentive na P100,000 para sa mga nakapagsilbi ng 15 taon
* Training, Education and Career Enrichment Programs
* Health benefits kasama ang libreng medical care, emergency assistance at mandatory membership sa PhilHealth
* Insurance coverage
* Sick, Vacation and Maternity Leaves
* Cash gift sa Disyembre
* Disability benefit
* Civil service eligibility
* Libreng legal services
* Preferential access sa loan facilities

Inaatasan ang Department of Interior and Local Government at ang municipal, city at provincial government na magtatag ng grievance mechanism para sa BHWs.

Samantala, inaatasan ang DOH na magkaroon ng capacity building para sa BHWs.

May karampatang parusa ang mga local government official na lalabag sa panukalang batas na ito.