Nakaw Source: QCPD-PIO

Kasambahay kulong sa pagnanakaw ng P4.5M cash, alahas, relo

27 Views

SA kulungan ang bagsak ng isang 19-anyos na kasambahay matapos umanong pagnakawan ang kaniyang amo ng mga alahas, mamahaling relo at P500,000 cash na umaabot sa P4.5 milyon ang kabuuang halaga sa Quezon City.

Kinilala ang suspek sa alyas na Lyn, residente ng Uson, Masbate, na inaresto ng mga tauhan ng Masambong Police Station (PS 2) matapos ireklamo ng kaniyang amo.

Sa ulat ng PS 2 na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, dakong alas-3 ng hapon noong Setyembre 3 nang matuklasan ng mag-asawang biktima na nawawala ang ilan sa kanilang mamahaling relo at alahas nang makauwi sila sa kanilang bahay sa Barangay Nayong Kanluran.

Nang silipin ang kanilang closet, napansin din nilang nawawala ang iba pang mahahalagang gamit at malaking halaga ng pera.

Tinanong ng biktima ang kanilang mga kasambahay at security personnel kung may ibang taong nakapasok sa kanilang kuwarto.

Sa pag-uusisa, umano’y umamin si “Lyn” na siya ang kumuha ng mga gamit at pera at iniabot ang mga ito sa isang hindi pa nakikilalang lalaki na naghihintay umano sa labas ng bahay sakay ng Grab vehicle.

Depensa naman ng suspek, nalinlang umano siya matapos ipaalam sa kaniya na naaksidente ang kaniyang babaeng amo at kinakailangan nito ng agarang pera at mga mahahalagang gamit para sa pagpapagamot.

Agad namang ini-report ng biktima ang insidente sa barangay bago ito ipinasa sa PS 2 para sa imbestigasyon.

Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-5 ng hapon ng parehong araw.

Kabilang sa mga umano’y natangay ang apat na Cartier watches, dalawang Rolex watches, apat na Cartier bangles, limang Hermès bangles, dalawang Tiffany bangles, 10 yellow-gold rings, 10 white-gold rings, dalawang diamond-studded rings, 10 gold bracelets at P500,000 cash.

Hindi pa nababawi ng mga awtoridad ang mga nawawalang ari-arian.

Nabatid na mula Marso 31, 2026 ay stay-in housemaid na ang suspek sa bahay ng mga biktima.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng QCPD, kabilang ang pagsusuri sa CCTV footage, upang matukoy ang posibleng mga kasabwat at mabawi ang mga nakulimbat na ari-arian.

Inihahanda na ang kasong Qualified Theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code laban sa suspek.

Nanawagan naman si PBGEN Christopher Olazo sa publiko na maging maingat sa pagpili ng mga taong pagkakatiwalaan sa loob ng kanilang tahanan.

“Beripikahin ang kanilang pagkakakilanlan, background, at mga reference bago sila pagkatiwalaan ng access sa inyong tahanan at mga mahahalagang ari-arian,” ani Olazo.