Magsino

Kaso ng pagnanakaw sa NAIA ikinahiya

Mar Rodriguez Sep 22, 2023
223 Views

ITINUTURING ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na isang nakakahiyang pangyayari ang panibagong insidente ng pagnanakaw sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasasakutan na naman ng isang empleyado ng Office for the Transportation Security (OTS).

Binigyang diin ni Magsino na masasayang lamang ang mga pagsisikap ni Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco na makahikayat ng mga dayuhang turista na bumista at magtungo sa Pilipinas kung sa loob mismo ng NAIA ay nag-aabang naman ng mabi-biktima ang mga kawatan.

Tahasang sinabi ni Magsino na walang dayuhang turista o bisita ang mae-engganyong magpunta sa Pilipinas kung batid nila na sa loob mismo ng mga international airport tulad ng NAIA ay hindi sila “secure” sapagkat maaari silang manakawan o kaya ay mawawalan ng mahahalagang gamit.

Ayon kay Magsino, hindi engganyo ang mararamdaman ng mga dayuhang turista o bisita sa pagpunta nila sa bansa. Bagkos ay takot, dahil papaano pa nila magugustuhang magpunta sa Pilipinas kung sa paglapag mismo nila ay nanakawan na sila ng gamit sa loob ng airport pa lamang.

Ipinaliwanag ng kongresista na karugtong at imahe ng mga international airport kagaya ng NAIA ang mga tourist destination sa bansa. Kung kaya’t anoman aniya ang mangyari sa loob ng mga international airports. Hindi lamang ito sumasalamin sa imahe ng Pilipinas kundi maging pagkatao rin ng mga Pilipino.

“Karugtong ng imahe natin bilang tourist destination ang ating airport processes at airport security kaya’t nakakahiya ang mga ganitong insidente. Kailangan ang masusing imbestigasyon ng OTS tungkol sa bagay na ito,” sabi ni Magsino.

Iginiit naman ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na ang bagong pangyayari sa loob ng NAIA na kinasasangkutan ng isang 28 taong gulang na contractual employee ng OTS ang mistulang nagtataboy sa mga dayuhan paalis ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Madrona na kahit anong sikap at pagpupursigi ang gawin ni Frasco para makahikayat ng mga dayuhan na magtungo sa Pilipinas. Kung sa loob naman ng mga international airport ay naglipana ang mga kawatan sa katauhan ng tiwaling airport personnel ay hindi parin magpupunta sa bansa ang mga dayuhan.