Calendar
![AGAP](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/AGAP.jpg)
Kaso vs 4 na naghahalo ng luma, bagong bigas ikinatuwa ng AGAP
IKINALUGOD ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist ang pagkakahuli at pagsasampa ng reklamo sa apat na indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng pinaghalong luma at bagong bigas sa Bocaue, Bulacan noong Pebrero 10.
Iginiit ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones na dapat masampulan din ang mga may-ari ng bigas at warehouse sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12022 o mas kilala bilang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na may parusang lifetime imprisonment.
Aniya, hindi sapat na ang warehouse manager, dalawang kahera, at isang inventory officer ng bodega lamang ang masasampahan ng kasong hoarding, adulteration, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage.
Base sa record, ang mga rehistradong may-ari ng bodega ng Rice Milling at Rice Retailing sa Golden City, Taal, Bocaue, Bulacan si Elizabeth Pineda.
“Tama lamang na inspeksiyunin ang lahat ng mga bodega na posibleng nagho-hoard at nagtatago ng bigas kaya hindi bumababa ang presyo nito,” wika ni Briones.
Nadiskubre sa raid ang tone-toneladang bigas na pinaghalu-halong luma at ibang klase bigas para ibenta sa merkado ng mas mataas na presyo.
Nanawagan din si Briones sa pamahalaan na magpatupad muna ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na karne ng baboy bago sa lokal na baboy at iyon ang maghahatak pababa sa presyo ng karne ng baboy.