Sec. Christina Garcia Frasco

Kasong vs Rep. Frasco, Sec. Frasco ibinasura ng Ombudsman

Mar Rodriguez Nov 4, 2023
245 Views

IBINASURA ng Office of the Ombudsman ang isinampang reklamo laban sa mag-asawang sina House Deputy Speaker at 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco at dating Liloan Mayor at kasalukuyang Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco.

Ang kaso laban sa mag-asawang Frasco ay patungkol sa di-umano’y delivery ng mga ambulansiya sa kasgsagan ng COVID-19 pandemic sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kabilang na ang Cebu City na gagamitin para sa emergency response para sa bayan ng Danao City at Northern Cebu.

Sa pamamagitan ng isang “joint resolution” na inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires noong September 4, 2023. Pormal na ibinasura ng Ombudsman na tinaguriang “anti-graft body” ang kasong kriminal laban sa mag-asawang Frasco dahil sa kawalan ng sapat na katibayan o “lack of probable cause”.

Bukod dito, ibinasura din ng Ombudsman body ang administrative complaint laban sa mag-asawang Frasco bunsod naman ng kawalan ng matibay na basehan o “lack of substantial evidence”.

Nagpasalamat ang mag-asawang Frasco sa pagkakabasura ng Ombudsman sa kaso laban sa kanila na itinuturing nilang isang “politically charged complaints” o isang “politically motivated” na kaso na inihabla ng kanilagn kalaban.

“The Ombudsman’s findings affirm what we have maintained all along: the complaints are baseless and filed without regard for the public good which would have been well served by much needed ambulance during the pandemic,” ayon kina House Deputy Duke Frasco at may-bahay nitong si Tourism Sec. Christina Frasco.

Nauna rito, nagsampa ng kaso sina Danao City Barangay Captains Don Roel Arias ng Looc at Joselito Cane ng Poblacion noong March 3, 2022 laban sa mga Frasco. Sina Arias at Cane ay recipient ng mga ambulansiya na tinern-over ng mag-asawa (Frasco) noong February 14, 2022.

Inilagay ng dalawang barangay captain sa kanilang reklamo na “illegal at unjustifiable” umano ang pagkaka-deliver ng mga nasabing ambulansiya sa Barangay Looc at Poblacion noong February 14, 2022 na nabigo naman nilang mapatunayan sa kanilang isinampang reklamo.

Hindi rin napatunayan ng dalawang Barangay Captain ang kanilang paratang na ang donasyong ambulansiya ay ginawa lamang ng mag-asawang Frasco para sa kanilang “political campaign”.