Calendar

Katiket ni Yorme Isko na wagi sa halalan di pa naipo-proklama
MAHIGIT tatlong linggo bago manungkulan ang mga bagong halal na opisyal sa Lungsod ng Maynila, hindi pa rin nipo-proklama ng Commission on Elections (Comelec) ang isa sa nagwaging konsehal sa tiket ni Mayor-elect Isko Moreno Domagoso.
Ito’y sa kabila ng paglalabas ng Supreme Court En Banc ng Temporary Restraining Order (TRO) na pumipigil sa Comelec na ipatupad ang kanilang inilabas na resolusyon na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni re-elected Councilor Darwin Sia ng Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Maynila.
Nauna ng kinatigan ng Comelec en banc ang desisyon ng 2nd Division na kanselahin ang COC ni Councilor Sia bunga ng hindi niya pagdedeklara ng ibinabang hatol laban sa kanya kaugnay sa paglabag sa Anti Pilferage Act noong 2014 na nagpapataw ng parusang pagbabayad ng multang P10,000.00.
Gayunman, naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Sia matapos makakuha ng pinakamataas na boto sa mga nagwaging konsehal ng ikalawang distrito na kalauhan ay kinatigan naman ng mga Mahistrado.
Sa dalawang pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, nakasaad na pinipigilan ang Comelec na ipatupad ang inilabas na resolusyon noong Marso 21 at Mayo 5, 2025 na nag-kakansela sa COC ni Konsehal Sia hangga’t walang inilalabas na bagong kautusan ang Korte Suprema.
Inatasan din ng Mataas na Hukuman ang Comelec at ang isang Larry Dela Cruz na magbigay ng komento sa loob ng limang araw kaugnay sa inilabas na TRO.
Umaasa pa rin si Konsehal Sia na tutugunan ng Comelec ang kautusan ng Mataas na Hukuman hinggil sa pagpigil sa implementasyon ng kanilang resolusyon at maipo-proklama siya bilang nagwaging konsehal ng Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Maynila bago sumapit ang Hunyo 30, 2025 na araw ng pag-upo ni Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza, sampu ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.