Enrile Cagayan Economic Zone Authority administrator at chief operating officer Katrina Ponce Enrile

Katrina Ponce Enrile kay VP Sara: Dapat nalutas ni DU30 baha sa Davao

84 Views

BINATIKOS ni Cagayan Economic Zone Authority administrator at chief operating officer Katrina Ponce Enrile si Vice President Sara Duterte, sinabing dapat ay nalutas na ng administrasyon ni dating Presidente Rodrigo R. Duterte ang pagbaha sa Davao City.

Sa maiden episode ng “Leslie Bocobo Live” na inere sa Radyo ng Pilipinas noong Huwebes, ala-1 hanggang alas-2 ng hapon, sinabi ni Enrile na anim na taon na namuno ang ama ng bise presidente at naging Davao mayor bago naging presidente, subalit hindi nito nalutas ang paulit-ulit na pagbaha sa Davao City.

“Anim na taon silang nakaupo. Bakit hindi nila binigyan ng tuon noong panahon nila. Anim na taon silang nakaupo e kung mag-complain sila. Huwag nating isisi iyan sa isang president,” ani Enrile.

“Huwag naman lahat ng problem ng bayan ay ipupukol nila kay Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr. Dapat patas lang ang banat nila,” dagdag pa niya.

Nauna rito ay binatikos ng bise presidente ang umano’y pagtanggi ng administrasyong Marcos na pondohan ang flood control program ng Davao City dahil “ang alkalde ng lungsod ay isang Duterte.”

Sinabi ng bise presidente na naisapinal na ang master plan at feasibility study para sa flood control at drainage ng lungsod.

Gayunman, ang nasabing feasibility study ay tuluyan lamang na nalathala noong July 2023.

Ayon sa mga mambabatas, ginamit sana ng kapatid ni VP Sara na si  Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang P51-billion allocation para sa infrastructure projects sa huling tatlong taon ng administrasyong Duterte.

Magugunitang nagtungo ang bise presidente sa Germany para magbakasyon nang bahain ang bansa dahil sa bagyong Carina at sa Habagat noong July 24.

Noong Hunyo, nang bahain ang Davao City, si Mayor Sebastian Duterte at ang dating pangulo ay nasa Tacloban City para sa isang engagement.