bro marianito

Katulad ng Birheng Maria magpa-ubaya tayo sa kagustuhan at plano ng diyos para sa atin (Lucas 1:26-38)

226 Views

Bro. Marianito

“Sumagot si Maria. “Ako’y alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi”. Pagkatapos, umalis na ang Anghel”. (Lucas 1:38)

MINSAN may isang taong nagtanong sa akin kung bakit kailangan daw akong mag-serve sa Santo Domingo Church (bilang Lay Minister) ng buong maghapon sa araw ng Linggo? Magsisimula ng alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi.

Tinanong din ako ng taong ito kung pinangarap ko daw ba ang maging Lay Minister (nagbibigay ng Communion sa Misa) sapagkat halos gugulin ko ang buong araw ng Linggo sa pagsisilbi sa Simbahan? Kasunod ng tanong niya na hindi daw ba nagagalit ang pamilya ko?

Sinabi ko sa taong nagtanong sa akin na unang-una ay hindi ko pinangarap ang maging Lay Minister. Kahit sa hinagap o sa panaginip man lang ay hindi ko inambisyon na balang araw ay magbibigay ako ng Communion sa mga tao bilang Eucharistic Minister.

Ang sagot ko naman sa kaniyang pangalawang tanong ay: “Nagagalit ang aking pamilya dahil buong Linggo ay nasa Santo Domingo ako subalit ipinaliwanag ko sa kanila na ginagawa ko ito hindi dahil sa gusto ko lang kundi sumusunod ako sa kagustuhan ng Diyos”.

May mga pagkakataon na hindi tayo nauunawaan ng sarili nating pamilya partikular na ang paglilingkod natin sa Simbahan. Sapagkat inaakala nila na kaya lamang natin ito ginagawa ay dahil nais lang natin magkaroon ng libangan o “diversion”.

Subalit tandaan natin na magkaibang-magkaiba ang “diversion” sa “vocation”. Hindi tayo naglilingkod sa ating Simbahan dahil gusto lamang natin malibang (diversion) kundi ito ang nais ng Panginoon para sa atin sapagkat tinawag niya tayo para maging Alagad niya at maglingkod sa kaniya (vocation).

Maniwala man o hindi ang aking pamilya subalit katulad ng lahat ng mga naglilingkod sa Simbahan. Tinawag din ako ng Panginoon para maglingkod sa kaniya, kung hindi ay tatagal ba ako ng siyam na taon (9 years) sa Santo Domingo Church na nagsimula ng 2013.

Hindi ko kagustuhan ang nasunod kundi ang kalooban mismo ng Panginoong Diyos kung bakit ako naririto ngayon sa kinalalagyan ko. Nagpa-ubaya ako sa plano ng Panginoon para sa akin.

Katulad ng winika ng Birheng Maria sa Mabuting Balita (Lucas 1:26-38) nang sabihin niya kay Anghel Gabriel na “Ako’y alipin ng Panginoon. “Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi”.

Tumalima ang ating Mahal na Ina sa plano ng Diyos para sa kaniya. Bagama’t mayroon na siyang nakatakdang plano para sa pag-iisang dibdib o pagpapakasal nila ni Jose (Lucas 1:26-28). Ngunit isina-isang tabi niya ang mga planong ito para sundín ang kalooban ng Diyos.

Nagpaubaya si Maria sa kagustuhan ng Panginoon at hinayaan niya na ang Diyos ang kumilos o dumiskarte sa kaniyang buhay. Sa pamamagitan ng pagiging Ina ng ating Panginoong HesuKristo (Lucas 1:31) kaya naman hindi nalagay sa maling desisyon si Maria. Mula ng magtiwala si Maria sa kalooban ng Diyos, nabago ang kaniyang buhay dahil mas lalo pa itong napaganda.

Kagaya ni Maria, may mga taong pinili at tinawag ng Panginoon para maglingkod sa kaniya. Napakapalad ng taong ito dahil siya ay tinawag ng Diyos kahit hindi siya karapat-dapat. Sapagkat hindi lahat ay tinatawag ng Diyos para maging Alagad niya.

Nuong araw, pinagtatawanan ko ang mga Lay Minister dahil ang tingin ko sa kanila ay mga “Amoy lupa” dahil sa katandaan at ang karamihan sa kanila ay uugod-ugod na o kumakalog na ang mga tuhod. Ngunit hindi ko akalain na darating pala ang araw ay mapapabilang din ako sa kanila.

Hindi ko inaakala na ako’y tatawagin din ng Diyos at hindi ko rin inakala na balang araw ay pipiliin niya ako para maging Alagad niya kahit hindi ako karapat-dapat. Hindi lamang bilang isang Lay Minister kundi bilang isang Dominican Laity (ito ang plano ng Diyos para sa akin).

Sino bang mag-aakala na ang isang makasalanan na katulad ko na nagtatampisaw sa immoralidad, lasenggo, pasaway na anak (spoiled brat), palamura at kung ano-ano pa ay tatawagin din ng Diyos at may nakahanda palang plano para maging lingkod niya.

Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo na katulad ng Birheng Maria at ang naging karanasan ko sa buhay, hayaan din natin ang Panginoong Diyos na kumilos sa ating buhay. Magpa-ubaya tayo sa kaniyang plano, huwag natin kontrahin o salungatin ang kalooban ng Diyos para sa atin. Sumunod lang tayo sa kalooban niya.

Sa lumang buhay ko, matigas din ang puso ko. Ang gusto ko lang gawin ay kung ano ang mga bagay na nagpapasaya sa akin. Kagaya ng pambababae, paglalasing, gabi-gabing pumupunta sa mga Beer House at kung ano-ano pang kabuktutan at kahalayan.

Subalit dumating sa punto na pinukaw na ako ng ating Panginoon, iminulat niya ang aking mata sa mga maling ginagawa ko. Mula noon ay isinuko ko na sa Panginoong Diyos ang sarili kong mga plano at maling diskarte sa buhay at sa halip ay ipinaubaya ko na sa Diyos ang aking buhay. Mula ng baguhin ng Diyos ang buhay ko, buong puso’t kaluluwa ko ng ibinigay sa Diyos ang aking sarili.

Ipinapaalaala ng Pagbasa na hingin natin ang tulong ng Panginoon upang gabayan niya tayo sa ating mga plano sa buhay. Huwag tayong dumiskarte ng sarili natin dahil maaaring mabigo tayo. Tularan natin si Maria na nagtiwala sa kalooban ng Diyos.