bro marianito

Kaya rin ba natin ibigin ang ating mga kaaway katulad ng pag-ibig ng Panginoong Diyos? (Mateo 5:43-48)

343 Views

“Upang kayo’y maging tunay na mga Anak ng inyong Ama na nasa Langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid”. (Mateo 5:45 – Magandang Balita Biblia)

KUNG mamimili ang Panginoong Diyos sa mga dapat lamang niyang ibigin. Marahil ay kakaunti lamang sila at mas marami ang matitira o mga taong hindi karapat-dapat sa pag-ibig ng ating Ama sa Langit.

Ang mga taong iibigin ng Panginoon ay iyong mga taong marunong din umibig sa kanilang kapwa at sila ang isasama ng Diyos Ama doon sa kaniyang Kaharian. Samantalang ang taong hindi mapapabilang ay ang mga taong hindi kayang umibig sa kanilang kapwa.

Ngunit likas sa ating Panginoong Diyos ang umibig at magmahal kahit sa mga taong hindi karapat-dapat para dito. Kahit pa sa mga taong kinasusuklaman na ng Lipunan.

Katulad ng isinasaad sa Talata (Mateo 5:45) na pantay-pantay ang pagtingin ng ating Diyos Ama para sa lahat ng nilalang. Masama man o mabuti. Wala siyang itinatangi o paboritismo sapagkat ang lahat ay iniibig ng Panginoon.

Taliwas sa uri ng pag-ibig ng mga tao na mayroong itinatangi o pinipili. Mamahalin lamang nila ang mga nagmamahal din sa kanila at ang hindi nila iniibig o minamahal ay itinuturing nilang kaaway.

Kaya pinapaalalahanan tayo ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 5:43-45) na kailangan nating “Ibigin natin ang ating kaaway at ipanalangin natin ang mga taong umuusig sa atin”. (Mateo 5:43)

Hindi sinasabi ni Jesus na madali ang umibig at magpatawad sa ating mga kaaway. Partikular na kung masyadong mabigat ang naging pagkakasala sa atin. Batid ng Panginoon na mahirap itong gawin.

Huwag lamang sana natin kaliligtaan ang hirap na pinagdaanan ng ating Panginoong JesuKristo sa kaniyang mga huling araw na ginunita natin noong nakalipas na Mahal na Araw at Biyernes Santo.

Si JesuKristo ay ipinagkanulo ng kaniyang taksil na Alagad na si Judas Iscariote. Matapos itong makipag-kita at makipag-kasundo sa mga Punong Pari para ipagkanulo mismo ang kaniyang Maestro. (Mateo 25:14-16)

Ang Alagad na malapit at pinagkakatiwalaan naman niya na si Simon Pedro ay itinatwa siya ng talong beses. Noong una ay mariing pinaninindigan ni Pedro na kahit siya’y patayin kasama ni Jesus ay hinding-hindi niya ikakaila ang Panginoon. (Mateo 26:35)

Winika pa niya na kahit iwan si Jesus ng lahat ay hindi niya magagawang talikuran ang Panginoon. Sukdulang sabihin ni Simon Pedro na kahit buhay niya ay kaya niyang ibigay para kay Kristo. (Mateo 26:33-34)

Inabandona si Jesus ng kaniyang mga Disipulo noong oras na siya ay dakpin ng mga Sundalong Romano sa Hardin ng Getsemani pagkatapos niyang manalangin. (Mateo 26:44-55)

Ang mga Alagad na kasa-kasama ni JesuKristo sa mahabang panahon ng kaniyang pangangaral at panggagamot ay isa-isang nangawala na parang mga Asong nabahag ang mga buntot. (Mate0 26:47-56)

Si Jesus ay sinampal, dinuruan sa mukha, pinutungan ng koronang tinik sa kaniyang ulo na tumagos sa kaniyang bungo. Ipinapasan sa kaniya ang napakabigat na Krus at ipinako. Habang siya’y nakabayubay sa Krus, walang tigil ang mga tao sa pangungutya at panghihiya.

Ito’y ilan lamang sa mga masakit na pinagdaanan ni Jesus sa kabila ng kaniyang pagiging Anak ng Diyos at Panginoon. Subalit ang lahat ng ito’y kaniyang tiniis alang-alang sa kaniyang pag-ibig sa ating lahat. Matuwid man o hindi matuwid.

Hindi siya nagtanim ng galit sa kaniyang puso. Bagama’t may kakayahan siyang gawin ang kaniyang kapangyarihan para balikan o gantihan ang mga lumapastangan at pumatay sa kaniya.

Subalit hindi niya ginawa. Sapagkat ang umiral parin sa puso ng Panginoong Jesus ay awa at pag-ibig para sa mga taong ito na sarili pa naman niyang mga kababayan (Judio). Sa halip na galit at ngitngit.

May kasabihan nga sa wikang Inggles, “Rome was not built in one day”. Hindi madali ang magpatawad, ngunit maaari itong pag-aralan at matutunan. Kung hihingin natin ang tulong ng ating Panginoong Diyos na punong-puno ng awa kahit sa mga makasalanan.

AMEN