Kelot tigok sa bugbog ng 2 rider dahil di nakabayad ng utang

120 Views

PATAY ang hindi pa nakikilalang lalaki matapos bugbugin sa sasakyan dahil hindi makapagbayad ng utang noong Sept. 6.

Sa ulat ng PS-14 QCPD, naganap ang insidente pasado alas-10:00 ng gabi sa loob ng isang SUV na nakaparada sa harap ng Landbank Talipapa branch sa Brgy. Talipapa.

Apat na indibidwal ang unang itinuring na “persons of interest,” kabilang ang driver ng sasakyan, ang may-ari nito at dalawang delivery rider.

Sa salaysay ng driver siya raw ang nagmamaneho ng nasabing SUV na pag-aari ng isa pang suspect, na sakay ng motorsiklo ng mangyari ang insidente.

Ang biktima, kasama ang dalawang delivery rider, ay pasahero ng sasakyan.

Sinisingil umano ng dalawang delivery rider sa biktima ang bayad sa utang nito. Nang hindi makabayad ang biktima, binugbog ng dalawa sa loob ng sasakyan.

Napatunayan ng CCTV footage na nakuha ng mga imbestigador ang salaysay ng driver.

Itinuring bilang suspects–mula sa dating “persons of interest”–ang may-ari ng sasakyan at ang dalawang delivery rider.

Ayon sa pulisya sumuko na ang may-ari ng sasakyan at ang isa sa mga delivery rider.