Calendar

Killer melioidosis sa Siquijor tinututukan ng BAI
SINIMULAN na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang disease control protocol sa ilang lugar sa Siquijor na apektado ng zoonotic disease na melioidosis upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., isinagawa ang inisyatibo matapos makumpirma ang mga kaso sa tao ng melioidosis sa naturang lalawigan.
Nakumpirma ng Department of Health (DOH) na melioidosis ang mga kasong ito, na unang pinaghinalaang glanders, matapos ang masusing pagsusuri sa laboratoryo.
Dahil dito, sinabi ni Tiu Laurel na nakikipag-ugnayan ang BAI at DA-Regional Field Office ng Negros Island Region (DARFO-NIR) sa DOH upang mabantayan ang sitwasyon.
Isang nakamamatay na zoonotic disease ang melioidosis na sanhi ng environmental bacterium na Burkholderia pseudomallei.
Itinuturing itong banta sa kalusugan ng tao at hayop lalo na sa mga tropikal na bansa. Kadalasan itong nalilipat sa pamamagitan ng mga sugat at nakukuha sa paglanghap o pag-inom ng kontaminadong tubig o sa pagkaka-expose sa lupa.
Sa kasalukuyan, wala pang bakuna laban sa melioidosis kaya’t napakahalaga ang pag-iwas sa sakit.
Sinabi naman ni Tiu Laurel na nasa proseso ang BAI na magpadala ng mga sample sa isang reference laboratory para sa confirmatory testing at patuloy ang kanilang pagmamanman sa sitwasyon.
Samantala, sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kalusugan ng publiko at maprotektahan ang lokal na hayop, hinihimok ng DA ang mga livestock raisers na paigtingin ang biosecurity measures sa mga farm at sumunod sa mga sanitary protocols upang maiwasan ang pagkalat ng melioidosis at iba pang sakit na mula sa hayop.
Kailangang sumunod sa regulasyon sa mga pagbiyahe ng hayop at mga produktong hayop upang matiyak na ang mga ito walang sakit bago ipagbili.
Sinabi pa ni Tiu Laurel na upang mapanatili ang food safety standards, mariing ipinagbabawal ng DA ang pagkatay, pagbenta at pagkain ng mga hayop na may sakit o hinihinalang may sakit.
Tanging mga hayop na may sertipikasyon mula sa mga lisensyadong beterinaryo at pumasa sa mga inspection protocol ang pinapayagang maibenta sa pamilihan.
Pinayuhan din ng DA ang publiko na bumili lamang ng karne na may valid inspection certificates at sundin ang wastong paghawak at pagluluto ng pagkain.
Ipinagbabawal rin ang pag-inom ng hindi pasteurized o naproseso na gatas.
Pinaalalahanan pa ng DA ang mga livestock raisers, lalo na ang madalas naglalakad sa putikan o baha, na magsuot ng bota at guwantes upang maiwasang ma-expose sa kontaminadong lupa o tubig.
Nakikipag-ugnayan ang DA sa mga veterinary at agricultural office at hinihikayat ang agarang pag-uulat ng anumang hindi pangkaraniwang sintomas ng sakit sa mga hayop.
Maaaring mag-report sa BAI Animal Disease Control Hotline sa 0966 874 8891 o mag-email sa ahwd@bai.gov.ph.