kimchiu and jake

Kim Chiu nag-aral ng pananahi sa manual sewing machine

Eugene Asis Jul 6, 2023
255 Views

kim chiuTOTOHANANG nag-aral ng pananahi si Kim Chiu bilang paghahanda bilang “ukay queen” sa bagong seryeng “Fit Check: Confessions of an Ukay Queen” ng ABS-CBN Entertainment, Dreamscape Entertainment, at Prime Video na palabas na sa Pilipinas at higit 240 pang bansa.Ikuwinento ni Kim na nagsanay siyang gumamit ng manual sewing machine para sa kanyang role.

“For me, ‘yung preparation ko ‘yung manahi sa sewing machine. Unang beses. So parang isa ‘yun sa inaral ko talaga kasi nakakahiya naman, mapapanood ‘to worldwide,” sabi niya.

Sa seryeng may temang ukay, ginampanan ni Kim ang papel ni Melanie, na ang kwento ng buhay ay parang “ukay” o segunda-manong damit dahil iniwan siya ng kanyang ina noong siya ay sanggol pa lamang. Naghahanapbuhay rin siya sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga ukay na negosyo ng ama na Ukay King. Determinado na patunayan ang kanyang halaga, pinangarap ni Melanie na maging isang fashion designer, ngunit nabaligtad ang kanyang buhay nang ang tindahan ng kanilang pamilya ay nilamon ng apoy, na naging dahilan ng kanilang pagkabaon sa utang.

Para maibalik sa tamang landas ang kanyang buhay, pumasok si Melanie bilang fashion designer sa isang negosyo na pag-aari ni Chris (Jake Ejercito), isang batang fashion executive, na napansin ang kanyang mga talento. Sa pagpasok ni Melanie sa cutthroat world ng Filipino fashion industry, natagpuan din niya ang kanyang sarili sa isang paglalakbay patungo sa kamalayan at pagpapalakas ng sarili, pagpapatawad, at ang pagkamit ng tunay na pag-ibig.

Ibinahagi rin ni Kim na natuwa siya sa paggawa ng “Fit Check” dahil sa kanyang pagmamahal sa fashion at sa romantic comedy genre.

“Super love ko ang fashion. Sobrang na-enjoy ko talaga. Na-miss ko talagang gumawa ng romantic comedy drama na type of series na feel good lang, but at the same time, may puso and may kwento about family,” paliwanag ni Kim.

Ibinahagi din niya na makikita ng mga manonood ang mga cameo ng ilan sa mga nangungunang fashion designer sa bansa tulad ni Michael Leyva, mga real-life stage director tulad ni Robby Carmona, mga modelo, at mga influencer dahil magpapakita ng makabagong pananaw ang “Fit Check” ay ukol sa ukay culture at fashion industry ng bansa.