kim chiu

Basahan-inspired OOTD ni Kim, umepek sa netizens

Mercy Lejarde Jul 10, 2023
155 Views

Kasalukuyang nangunguna ang “Fit Check: Confessions of an Ukay Queen” ng ABS-CBN Entertainment, Dreamscape Entertainment at Prime Video sa listahan ng most-watched TV shows sa Pilipinas sa Prime Video.

Unang team-up nina Kim Chiu at Jake Ejercito ang fashion-themed comedy-drama series, kung saan inamin ng huli na pressured siyang makatrabaho ang Kapamilya actress.

“Noong una kong nalaman na I will be teamed up with her (Kim), na-pressure ako kasi siyempre it’s multimedia star Kim Chiu. We actually did a couple of workshops before kami nag-start, which really helped ma-break ‘yung ice,” sabi ni Jake.

Para naman kay Kim, nagpatawa siya para mas maging kumportable si Jake sa set.

“Biruan lang para tumawa naman siya. Ganu’n lang, mga simpleng joke, banatan,” she said.

Sa eight-episode series, gumaganap si Kim bilang Melanie, isang aspiring fashion designer na inabandona ng ina at nagbebenta ng mga ukay na damit bilang hanapbuhay.

Nang makilala niya ang isang batang fashion executive (Jake) na napansin ang kanyang talento, nabaligtad ang buhay ni Melanie sa kanyang paglalakbay sa industriya ng fashion kung saan niya madidiskubre ang kamalayan at pagpapalago sa sarili, pagpapatawad at pag-ibig.

Dahil ipinakita ng serye ang pagmamahal ng mga Pinoy sa ukay-ukay, isinabuhay din ni Kim ang makabagong istilo ng fashion ng kanyang karakter sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga damit na gawa sa mga scrap material na dinisenyo ng mga lokal na designer noong promo ng palabas.

Katunayan, nagsuot ng basahan-inspired outfit si Kim sa isa sa media events na nakatanggap ng positibong reaksyon mula sa netizens.

Bukod kina Kim at Jake, kasama rin sa series sina Angel Aquino, Kylie Verzosa, Christopher de Leon, KaladKaren, Liza Lorena, Frenchie Dy, Leo Consul, Lie Reposposa at Justine Luzares.

Nagtatampok din ito ng mga cameo mula sa mga nangungunang fashion designer, modelo at influencer ng bansa.