Klase sa Laguna walang F2F hanggang Oct 31

Gil Aman Oct 13, 2025
645 Views

NAGPATAWAG si Laguna Gov. Sol Aragones ng emergency meeting upang paigtingin ang paghahanda sa posibilidad ng lindol at mula Oktubre 14 hanggang 31, suspendido ang face-to-face (F2F) classes sa lalawigan sa public at private schools.

Gagamit muna ng Alternative Delivery Modes (ADM) tulad ng online o modular learning upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, ayon sa pulitiko.

“Sabi nga ng karamihan, ang baha ay napaghahandaan pero ang lindol ay hindi alam kailan tatama ito,” sabi ng gobernador habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng maagap na aksyon.

Dumalo sa pagpupulong ang mga opisyal mula sa Department of Education (DepEd), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pangunguna ni Head Aldwin Cejo, Laguna Health consultant Dr. Eric Tayag, at si OIC-Provincial Health Officer Dr. Odilon Inoncillo.

Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa DepEd at si Laguna University President Dr. Charlemagne Laviña upang tiyakin na magpapatuloy ang edukasyon sa kabila ng pansamantalang pagbabago.

“Hindi madidiskaril ang pag-aaral, hindi matitigil ang learning,” ani Dr. Laviña.

Inihayag din ni Governor Aragones ang pagpapalabas ng Executive Order na nag-uutos sa lahat ng lokal na pamahalaan (LGU) na magsagawa ng pagsusuri sa mga pampublikong gusali tulad ng paaralan, evacuation sites at mga ospital upang matiyak ang kanilang kaligtasan at tibay ng istruktura.

Ibinahagi rin ng gobernador na binabantayan ngayon ang mga lungsod na sakop ng West Valley Fault, ang Calamba, Biñan, Santa Rosa, San Pedro, at Cabuyao.

“Dahil lilipas ang mga araw na walang pasok, ngunit maari naman ito balikan, pero ang buhay ng tao ay iisa lang,” paalala ng gobernador.