Kongresista iginiit sa DOH na repasuhin ang formula na ginagamit sa mga instant noodles na may mataas na sodium content

Mar Rodriguez Oct 27, 2022
337 Views

Repaso ng DOH sa instant noodles na may mataas na sodium content iginiit

IGINIGIIT ngayon ng isang Party List congressman na kailangang repasuhin at masusing pag-aralan ng Department of Health (DOH) ang ginagamit na “formula” sa mga pagkaing tulad ng instant noodles, instant coffee, canned goods, mga chicheria at iba pang kahalintulad nito na mayroong mataas na “sodium content”.

Binigyang diin ni ANAKALUSUGAN Party List Cong. Rey Florence T. Reyes na dapat ng panghimasukan ng Health Department ang nakaka-alarmang sistema ng ilang kompanya ng pagkain kaugnay sa kanilang mga produkto na sinasangkapan ng mataas na sodium content na nakakasama naman sa kalusugan ng publiko.

Ipinaliwanag ni Reyes na ang paglalagay ng mataas na sodium content sa mga pagkaing labis na tinatangkilik ng publiko katulad ng mga instant noodles, instant coffee, canned goods partikular na ang mga chicheria ay nakakasama sa atay ng taong kumakain nito.

Gayunman, sinabi ni Reyes na kailangang ugatin parin ng DOH ang mga pangunahing dahilan kung bakit gumagamit ng mataas na sodium content ang mga kompanyang gumagawa ng ganitong mga produkto upang masolusyunan ang problema.

Ayon sa mambabatas, batid ng mga Pilipino na ang ganitong uri ng mga pagkain ay hindi makabubuti sa kanilang kalusugan o hind “healthy” kaya napakahalaga parin aniya na matulungan ang mga magsasaka na makapag-produce ng mga masustansiyang pagkain.

“We have to address the root cause. This is the lack of access to healthier alternatives, helping our local farmers produce nutritious food at lower prices will make meaningful changes in our food and nutrition security,” sabi ni Reyes.

Aminado naman si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin na ginagamit ang sodium sa mga nasabing produkto upang tumagal aniya ang “shelf life” ng mga pagkain.

Ipinaliwanag ni Garin na mahal ang pagkakaroon ng mga fresh food o sariwang pagkain tulad ng mga gulay at mga prutas. Kumpara sa mga pagkaing instant gaya ng mga noodles na abot-kaya sa bulsa ng publiko lalo na umano sa isang mahirap na pamilya.

Sinabi din ni Garin na ang tanging solusyon na lamang para mabawasan ang sodium content sa mga naturang pagkain ay sa pamamagitan ng pag-regulate ng DOH at iba pang ahensiya sa mga kompanyang gumagawa ng mga instant noodles at iba pang produkto.