Garin1

Kamote imbes na french fries isinulong

Mar Rodriguez Oct 25, 2022
304 Views

HINIHIKAYAT ngayon ng isang Visayas congresswoman ang mga sikat at nangungunang “fast food chain” sa bansa katulad ng Jollibee, Mc. Donald’s, Burger King at iba pang kauri nito na gamitin ang kamote bilang kapalit ng kanilang French Fries.

Ipinaliwanag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin na ang paggamit sa kamote bilang pamalit sa kinagigiliwang French Fries ay isang dagdag nutrisyon at solusyon sa problema ng kakulangan ng bigas.

Dahil dito, inatasan ni Garin ang Department of Agriculture (DA) na palakasin ang produksiyon ng kamote habang hinihikayat nito ang mga restaurants, karinderya at kilalang fast food chain sa bansa na gawing alternatibo ng kamote sa isinissilbi nilang kanin.

Binigyang diin pa ng Iloilo lady solon na hindi aniya dapat kalimutan ng publiko na malaking bahagi ng malnutrisyon ay ang tinatawag na “self-inflicted” o gawa din ng isang tao sa kaniyang sariling katawan. Batay sa kaniyang mga kinakain.

Sinabi ni Garin na upang matugunan ang nasabing problema, napapanahon na para magakaroon ng mga “food alternatives” para makatulong sa kalusugan ng mamamyan kabilang na ang kanin na maaaring kamote ang gamiting pamalit dito.

“Hindi na dapat “Rice to Life”. we call on restos to use kamote as alternative to rice ad use kamote as French Fries. What we need now is kitchen innovations,” ayon kay Garin.

Sinabi din ni Garin na ang ibang bansa kagaya ng South Korea, Japan at Estados Unidos (US) ay itinuturing nila ang kamote bilang “super food” at kabilang din ito sa kanilang pang-araw araw na diet. Habang sa Pilipinas naman ay mayroong malaking produksiyon ng kamote ay binabalewala lamang at hindi masyadong pinapansin.