Calendar
Oducado tututukan panukala nito sa pagba-ban ng mga ads sa mga junk foods
TUTUTUKAN ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado ang kaniyang nakasalang na panukala sa Kamara de Representantes kaugnay sa pagba-ban sa advertisements ng mga “junk foods” sa pagpapatuloy ng session ng 20th Congress pagkatapos ng bakasyon ng mga kongresista.
Nais ni Oducado na agad na maisabatas ang isinulong nitong House Bill No. 2660 upang ito ay agad na maisabatas bago man lamang sana matapos ang taon para matulungan ang napakaraming estudyante na nahuhumaling sa pagkain ng junk foods.
Muling ikinababahala ni Oducado ang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kabataan na nagkakasakit at nagiging obese bunsod ng kanilang labis na pagkahilig sa mga tinaguriang “unhealthy foods”.
Pagbibigay diin ng kongresista na “Wish nito” na agad na maipasa sa Kamara de Representantes at maging ganap na batas ang kaniyang panukala para matugunan ang lumalalang problema ng obesity kung saan puro mga kabataang estudyante ang mayroong ganitong kondisyon dahil narin sa mga nakikita at napapanood nilang advertisements.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Oducado na kaya napakahalaga na maglagay ng “front-of-package” warning sa mga nabibiling tsitseria upang ito ay magsilbing babala para sa mga consumers katulad ng babala na nakalagay naman sa pakete ng mga sigarilyo.
Sinabi ng mambabatas na dapat magkaroon ng malinaw na babala sa mga pakete o labels ng iba’t-ibang produktong pagkain hindi lamang ang mga tsitseria kundi kasama na rin dito ang mga delata, instant noodles, processed foods at iba pang pagkain.
Nauna nang ipinahayag ni Oducado na ang mga nasabing babala ang magsisilbing paalala para sa mga consumers lalo na sa mga kabataang estudyante tungkol sa mga binibili nilang pagkain o produkto na mayroong mataas na fat, sodium at sugar.
Muling iginiit ni Oducado na dapat ma-regulate ang mga ganitong uri ng produkto upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kabataan na sa kasalukuyan ay labis na nahuhumaling sa mga pagkaing masama sa kanilang kalusugan.
