Calendar
Kongresista naghain ng resolusyon para MARINA, abogada purihin
INIHAIN ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado ang House Resolution No. 991 na pumupuri sa Maritime Industry Authority (MARINA) at kay Philippine Maritime Attache Atty. Sharon de Chavez-Aledo nahalal na mamuno sa isang mahalagang pandaigdigang lupon.
“Ito ang balitang dapat nating maibigay sa sambayanang Pilipino. Sa gitna ng mga iskandalo at kahirapang pang-ekonomiya, ipinapaalala nito na kayang mamuno ang isang Pilipino,” ayon sa kongresista.
Sa HR No. 991 na isinulong ni Oducado sa Kamara de Representantes binibigyang parangal nito ang MARINA at si Chavez-Aledo dahil sa pagkakahalal bilang taga-pangulo ng Sub-Committee on Human Element, Training and Watchkeeping (HTW) ng International Maritime Organization (IMO).
Ang HTW Sub-Committee ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagbubuo ng pandaigdigang pamantayan sa pagsasanay, sertipikasyon at pagbabantay ng mga marino na direktang nakaka-apekto sa kaligtasan sa dagat.
“Nuong 2022, nagbanta ang European Union na ipagbabawal ang mga Pilipinong marino.
Sa loob ng wala pang limang taon, napatunayan nating hindi lamang tayo kwalipikadong maglingkod, kwalipikado rin tayong mamuno at magtakda ng mga pamantayan,” sabi pa ni Oducado.
Sinabi ng Party List solon na nanalo si Atty. De Chavez-Aledo sa pamamagitan ng 53 boto.

