Romualdez

Pag-aresto kay Mabanta ‘di atake sa press freedom

Mar Rodriguez May 7, 2026
25 Views

IBINASURA ng kampo ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang pahayag na ang pag-aresto sa founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta ay pag-atake sa press freedom.

Ang kaso ni Mabanta ay hindi usapin ng paglapastangan sa karapatan ng pamamahayag bagkus ito ay nakasentro sa alegasyon ng pangingikil ng milyong piso mula kay Romualdez.

Iginigiit ni Atty. Elaine A. Atienza, spokesperson ni Romualdez, na hindi dapat nakatutok ang isyu bilang usapin ng malayang pamamahayag at pagpuna sa gobyerno kung saan pinipilit ibahin ng PGMN ang kuwento para palutangin na sila ang agrabyado.

“Ang isyu dito ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag. Lalong hindi ito tungkol sa karapatan ng sinuman na punahin ang gobyerno, ang tunay na tanong: May humingi ba ng pera kapalit ng katahimikan?” ayon kay Atty. Atienza.

Sinabi pa ng abogada na dinala lamang ni Romualdez ang usapin sa mga awtoridad sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong malantad ang tangkang pangingikil ni Mabanta sa dating House Speaker.

“Ginawa lamang ni congressman Martin Romualdez ang gagawin ng sinumang tao na malalagay sa parehong sitwasyon. Iniulat niya ang bagay na ito sa tamang awtoridad at kumilos ang NBI sa ulat na iyon alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng batas,” sabi ni Atienza.

Minaliit din ni Atty. Atienza ang anumang expose na sinasabi ng PGMN na hawak nila laban sa mga opisyal ng gobyerno kung saan sinabi pa nito na hindi mabubura ang mga kriminal na alegasyon na kasalukuyang iniimbestigahan.