PWD

Kooperasyon ng gobyerno, pribadong sektor hinimok para PWD, seniors magkatrabaho

58 Views

NAIS ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan na magtatag ng mga tanggapan sa lokal na pamahalaan na makikipagtulungan sa pribadong sektor upang tulungan ang mga persons with disabilities (PWDs) at mga senior citizen sa paghahanap ng trabaho at sa pagkakaroon ng mga oportunidad para sa karagdagang pagsasanay at kaalaman.

Iminungkahi ni Yamsuan ang panukala upang matulungan ang mga PWD at nakatatanda na may kakayahang magtrabaho ngunit nahihirapang makahanap ng trabaho dahil sa diskriminasyon, kakulangan sa training, at kawalan ng impormasyon tungkol sa mga job opportunities para sa kanila.

“Ang mga PWD at senior citizen na may kakayahang magtrabaho ay maaari pa ring maging produktibong bahagi ng ating ekonomiya kung mabibigyan ng pagkakataon. Ngunit sa kasamaang-palad, marami sa kanila ang nananatiling mahirap dahil hirap silang tanggapin sa mga trabahong akma sa kanilang kakayahan,” ayon kay Yamsuan.

“Sayang ang kanilang galing, dedikasyon, at sipag kung mananatili silang walang trabaho. Sa halip na kaawaan o balewalain, dapat kilalanin natin ang kanilang kakayahan na makapag-ambag sa pag-unlad ng ating bayan,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Yamsuan na muling ihahain niya sa Ika-20 Kongreso ang panukalang batas na nag-uutos sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magtayo, magpatakbo, at magpanatili ng mga job facilitation offices para sa mga PWD at senior citizens na tatawaging Local Centers for Inclusive Employment (LCIEs).

Itatayo ang mga LCIEs base sa kahilingan ng mga lokal na pamahalaan sa mga pangunahing lungsod, kabisera ng mga probinsya, at iba pang strategic areas.

Nauna na itong inihain ni Yamsuan sa nakaraang Kongreso, matapos ang serye ng konsultasyon sa mga senior at PWD sa kanyang lungsod sa Parañaque. Isa sa mga madalas ireklamo ng mga nakatatanda at PWD ay ang kakulangan ng tulong mula sa gobyerno para makahanap ng trabahong akma sa kanilang kakayahan.

“Ang panukalang batas na ito ay suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng mga programang nagbibigay ng pantay na oportunidad, espesyal na tulong, at insentibo para sa mga PWD at senior citizen,” ayon kay Yamsuan, kaugnay sa pagdiriwang ng National Disability Rights Week sa Hulyo 17 hanggang 23.

Bagama’t may umiiral nang mga batas na nagtutulak sa pag-hire ng mga PWD at senior citizens, mababa pa rin ang labor participation rate ng mga grupong ito, ayon sa datos ng gobyerno.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 353,000 lamang na PWD ang may trabaho mula sa 1.9 milyon na nasa working age noong 2022.

Sa parehong taon, 38.2% lamang o humigit-kumulang 965,200 sa 2.54 milyong kuwalipikadong senior citizens ang may trabaho.

Ayon sa pag-aaral ng Institute for Labor Studies (ILS), marami sa mga PWD ay hindi alam na maaari silang humingi ng tulong sa paghahanap ng trabaho mula sa mga Public Employment Service Offices (PESOs) ng LGU.

Nakasaad din sa panukalang batas ni Yamsuan na obligado ang LCIEs na makipagtulungan sa mga employer upang regular na magsumite ng listahan ng mga job vacancies na bukas para sa mga PWD at senior citizens.

Magiging bahagi ang LCIEs ng PESOs ng mga LGU at magbibigay ito ng kumpletong impormasyon tungkol sa job opportunities at labor market sa kani-kanilang komunidad.

May tungkulin din ang bawat LCIE na magbigay ng edukasyon, training, at kaalaman para mapaunlad ang kakayahan at employability ng mga PWD at senior citizen.

Ayon pa sa panukala, kokonekta ang LCIEs sa mga regional office ng DOLE para sa koordinasyon at teknikal na suporta, at sa DOLE Central Office na mangangasiwa sa pambansang employment service network at sa pagpapanatili ng computerized registry ng mga PWD at senior citizen na maaaring i-deploy sa trabaho.