Calendar
De Lima: Hirit na “witch hunt” insulto sa Kamara, civil society groups
MARIING tinuligsa ni dating senador at ngayon ay Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri sa pahayag nito na “witch hunt” sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, at tinawag itong insulto sa Kamara de Representantes at civil society groups na nagsampa ng mga reklamo.
“It’s really unfortunate. It’s an insult to the House as the initiator of the impeachment process. Also, an insult to the various groups that filed those first three impeachment complaints bago in-adopt diretso ng more than one-third ng mga miyembro ng House,” ani De Lima sa isang panayam sa media.
Giit ni De Lima, bagama’t hindi idinaan sa House Committee on Justice ang orihinal na mga reklamo, ang mga ito ay may matibay na batayan at seryosong mga paratang.
Iginiit din niya na lehitimo ang botohan sa Kamara na nagresulta sa pagtransmit ng Articles of Impeachment sa Senado.
“As far as the House is concerned, may batayan. Kaya nga na-impeach. ‘Di sana hindi ‘yan finile. Hindi sana pinirmahan ng more than one-third ng members of the House ‘yung complaint. Hindi sana nila vinerify as required by the rules at hindi sana nila trinansmit ang Articles of Impeachment kung walang batayan,” dagdag ng lady solon.
Inihalintulad din ni De Lima ang kasalukuyang impeachment case sa naging karanasan niya sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
“Pwede siguro ‘yung witch hunt dun sa ginawa nila sa akin noon – mga trumped-up, bogus charges. Yun ang witch hunt. Kangaroo hearing. Remember that Justice Committee hearing sa House?
Although sinusubukan kong kalimutan na ‘yun, especially now that I’m a member of the House,” ani De Lima.
Paliwanag niya, ang tunay na “witch hunt” ay nangangahulugan ng pananakot o pag-uusig na walang sapat na batayan, na aniya ay hindi akma sa kaso ng impeachment laban kay VP Duterte.
“Ang ibig sabihin ng witch hunt, walang batayan. Para lang mang-harass, para lang i-persecute ka. Which is far from the very character of this impeachment trial. So sana they avoid comments na ganyan, which exhibit their personal biases,” dagdag pa ni De Lima.
Una nang nagbitaw ng pahayag si Zubiri na itinuturing ang impeachment kay VP Duterte bilang isang “witch hunt,” na agad namang inalmahan ng iba’t ibang sektor.
“Okay, hindi po witch hunt ang impeachment. Nakasaad sa Constitution, may batayan ang mga charges kaya nga na-impeach siya sa House level. In other words, formally charged. Hindi naman ipo-forward ang articles of impeachment kung walang batayan,” giit ni De Lima.
Ayon sa kanya, dapat tanggapin ni VP Duterte ang impeachment bilang pagkakataon para ipaliwanag at ipagtanggol ang sarili, hindi bilang paninira.
“Hindi ba dapat i-welcome ito ni VP Sara? Kasi ngayon ang pagkakataon na ihayag niya ‘yung kanyang mga depensa, i-explain niya ‘yung mga akusasyon laban sa kanya. At kung wala namang kasalanan, hindi dapat matakot.”
Dagdag pa ni De Lima, ang mga pahayag ni Zubiri ay nagpapahiwatig na maaaring ituring na pormalidad na lamang ang impeachment trial.
“Nung nakita ko nga ‘yung news item about that, parang sinasabi niya is that, kung siya lang ang tatanungin, hindi na sapat na umusad pa ‘yung impeachment case.”
“He even cited na sa area nila sa Bukidnon, karamihan ay pro-Sara o pro-Duterte. Para bang sinasabi niya na since kailangan sundin ang proseso, so dapat magkaroon ng trial, pero parang pro forma na lang,” ani De Lima.
Babala pa niya, ang ganitong pahayag mula sa isang kasalukuyang senador na magiging hukom sa paglilitis ay nagpapalakas ng pangamba tungkol sa pagiging patas at tapat ng buong proseso.
“Sana ‘yung mga senator-judges na ‘yan, they should have some self-control. Maging maingat sila sa mga hinahayag nila kasi it reflects prejudices, bias, and their predisposition on how they would dispose of the case,” ayon pa kay De Lima.

