Hontiveros

Sen. Risa hinimok gobyerno na habulin nagpondo, nagpaupa, nagpahintulotsa POGO

28 Views

HINIMOK ni Sen. Risa Hontiveros nitong Miyerkoles ang gobyerno na habulin ang mga nagpondo, nagpaupa at nagpahintulot sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO), kasunod ng mga raid sa Cubao at Zamboanga Sibugay.

“Halos dalawang taon na mula nang ipagbawal ang POGO, pero nandito pa rin sila, ngayon sa Cubao at kamakailan lang sa Zamboanga Sibugay,” ani Hontiveros.

Inaresto umano ng Bureau of Immigration at Armed Forces of the Philippines noong gabi ng Lunes, Oktubre 12, ang 76 dayuhan, kabilang ang 74 Chinese at dalawang taga-Myanmar, sa isang POGO hub sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City. Noong Oktubre 2 naman, 244 na dayuhan, karamihan ay Chinese, ang dinampot umano sa mga raid sa Siay at Alicia sa Zamboanga Sibugay.

Permanente nang ipinagbabawal ang POGO sa ilalim ng Republic Act 12312 o Anti-POGO Act of 2025.

“Ngayong nagpapatuloy pa rin sila, the government must identify and hold accountable those who funded these operations, leased these properties, and allowed them to exist,” sabi ng senador.

Ayon kay Hontiveros, napatunayan na ng ilang taong pagdinig ng Senado na ginagamit ang mga POGO sa human trafficking, prostitusyon, money laundering at mga financial scam.

“Higit sa lahat, usapin ito ng pambansang seguridad,” dagdag niya.

Binanggit ng senador si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, na aniya’y nagpanggap na Pilipino at nanalo pa bilang alkalde.

“These raids suggest that the networks she may have been part of are still operating underground,” ani Hontiveros. Posible rin daw na may espionage operations ang mga POGO.

Nahatulan umano si Guo ng Pasig Regional Trial Court noong Nobyembre 2025 ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa qualified human trafficking. Iniapela umano niya ang hatol.

“Hindi na sapat ang paulit-ulit na huli. Government must pull POGOs out by the roots and make sure they never grow back,” sabi ni Hontiveros.

Mahaharap umano ang 76 na naaresto sa Cubao sa mga kaso sa ilalim ng Anti-POGO Act at mga batas sa imigrasyon, gayundin sa deportasyon. Nakatakda namang i-deport umano ng National Bureau of Investigation ang 101 sa mga nadakip sa Zamboanga Sibugay.