Lacson

Lacson sa pahayag ni Panelo: Saan niya nakuha ang P25M kada araw na figure?

23 Views

HINIMOK ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkoles si Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na itama ang pahayag nitong P500 milyon ang nagastos ng Senado sa 20 araw ng impeachment trial.

Ayon kay Lacson, ang P25 milyong arawang gastos na ginamit ni Panelo ay para sa regular na operasyon ng Senado, at hindi sa paglilitis.

“I urge the VP’s spokesman to rectify an obviously misleading figure of P500 million, as I assume it was an honest mistake on his part,” ani Lacson.

Sinabi ni Panelo nitong Miyerkoles na 20 araw ng paglilitis ang inilaan ng impeachment court sa Articles I at IV, na binawi na ng prosekusyon. Katumbas daw ito ng “approximately P25 million in Senate operating cost per day.”

Nanawagan din siya ng “outrage” ng publiko.

“Where did he get his P25M/day figure?” tanong ni Lacson.

Ayon sa senador, P27.5 milyon ang inilaan ng 2025 General Appropriations Act para sa impeachment proceedings, at humigit-kumulang P2 milyon pa lamang ang nagagastos para sa robes ng mga senator-judge at iba pang gamit. Saklaw daw ng continuing appropriations ang natitirang pondo, kaya magagamit pa ito hanggang Disyembre 2026.

Siya mismo raw ang kumuwenta ng P25 milyong arawang gastos. Hinati niya sa bawat araw ang taunang Maintenance and Other Operating Expenses at Personnel Services ng Senado, noong walang quorum dahil sa boycott ng grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano matapos itong mapatalsik bilang Senate President.

“The P25M per day clearly refers to the legislative functions of the Senate, not to the impeachment trial as misinterpreted,” dagdag ni Lacson.

Noong Hunyo, ginamit din ni Lacson ang parehong numero nang sabihin niyang P700 milyon ang nagastos sa 28 araw na pamumuno ni Cayetano sa Senado.

Binawi ng prosekusyon noong Oktubre 13 ang Articles I, III at IV. Article II na lamang ang natitira, na umano’y may kinalaman sa unexplained wealth, hindi pagdedeklara ng lahat ng ari-arian at hindi pag-divest sa mga negosyo.