Ridon

Ridon: Tinatayang P1.5B hindi idineklarang yaman ni VP Duterte, dahilan ng pagtutok sa isang artikulo ng impeachment

19 Views

IPINALIWANAG ni House prosecutor Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list nitong Miyerkules na napagpasyahang iurong ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte matapos makita ang napakalaking halaga ng umano’y hindi maipaliwanag o hindi idineklarang yaman ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ayon kay Ridon, ang naging batayan ng prosecution team sa pagtutok sa iisang Article of Impeachment lamang—Article II o ang paratang na nagkamal ng hindi maipaliwanag na yaman ang bise presidente—ay ang mga natuklasan ni Atty. Alexander Cabrera, ang financial forensic analyst, hinggil sa aktuwal na mga ari-arian at net worth ni Duterte na umano’y itinatago nito.

“Ang pinagbatayan nun yung paglalahad ng total unexplained wealth ng pangalawang pangulo nung testimonya ni Atty. Alexander Cabrera kung saan binanggit niya more than P800 million, to be exact P817 million yung pinag-uusapan na estimated conservative unexplained wealth ng pangalawang pangulo,” ani Ridon.

Sinabi ni Ridon na kung gagamitin ang pinakamaluwag na pagkukuwenta ni Cabrera, aabot sa tinatayang P1.5 bilyon ang hindi maipaliwanag o hindi idineklarang net worth ng bise presidente.

“So, nung pinag-usapan ng mga prosecutors itong numero na ito, sabi namin dito na tayo tumutok. Ito ang ebidensya na kailangan para patunayan ang article of impeachment on unexplained wealth,” ani Ridon.

“At katulad ng binabanggit namin, we will rise or fall on the basis of unexplained wealth, and we are convinced na ito yung talagang magiging batayan doon po sa pagpapasya ng ating mga senator-judges sa pinakadulo,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Manila City Rep. Joel Chua, miyembro rin ng House prosecution team, na hindi dapat pagdudahan ang sinseridad ng mga tagausig sa pagpapanagot sa bise presidente sa umano’y mga paglabag nito sa Konstitusyon na nakasaad sa apat na Articles of Impeachment.

Ipinaliwanag ni Chua na sa mga kasong impeachment, sapat nang makakuha ang prosecution ng kinakailangang boto sa isa sa mga artikulo upang mahatulang nagkasala ang respondent.

“Hindi naman kinakailangan doon sa apat na artikulo ay ma-convict ang Vice President. Ang kinakailangan lamang ay isa. So, kami kaya kami nag-arrive sa ganyang desisyon, dahil nakita namin na itong huli naming ipinresenta, yung unexplained wealth, ito yung mas mauunawaan, mas madaling mauunawaan ng ating mga kababayan,” ani Chua.

Ayon kay Chua, isinasaalang-alang din ng prosecution ang kagustuhan ng lahat ng panig, kabilang ang publiko, na maagang matapos ang impeachment proceedings.

“Nakita rin namin na kung ito ay hahayaan namin na ipresenta pa lahat, ay mas lalo lamang tatagal,” ani Chua.

Sinabi rin ni Chua na hindi inaasahan ng prosecution na magbibigay ng mga sagot ang bise presidente sa mga paratang laban sa kanya, dahil tumanggi na umano itong gawin mula pa noong 2004, nang isagawa ng House of Representatives ang mga paunang imbestigasyon.

Sinabi naman ni House prosecution adviser at tagapagsalita Ace Barbers na dalawang taon nang nagpapatuloy ang pagsisikap na panagutin ang bise presidente. Aniya, makikita sa dami ng mga testigo at ebidensiyang iniharap sa impeachment trial na hindi humina ang pagsisikap ng mga miyembro ng prosecution panel.

“Hindi naman tayo aabot sa ganito; dalawang taon mahigit na ho ito, ganun na katagal na namin sinasabi na dapat magkaroon ng accountability dito sa mga allegations na ito,” ani Barbers.

Ayon kay Barbers, puspusan ang paghahanda ng prosecution sa nakalipas na dalawang taon upang maisagawa ang impeachment trial.

“Kung sincerity to hold her accountable, it is pretty obvious with all these witnesses that we presented and all this documentary evidence that we have submitted to the court, eh palagay ko hindi na matatawaran yung sincerity ng prosecution team, itong magagaling nating mga prosecutors, dun sa kanilang layunin na panagutin at eventually ay magkaroon ng pagtanggal sa pwesto at yung mga penal provisions or penalties dito sa usaping ito,” ani Barbers.