Tolosa

Paglilitis kay VP Sara ‘di naituon agad sa ‘di maipaliwanag na yaman dahil dokumento huli na nakuha–prosecution

Mar Rodriguez Nov 2, 2026
29 Views

IPINALIWANAG ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na hindi nila maaaring ituon sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ang paglilitis sa simula pa lang dahil huli na ng nakuha ang mahahalagang dokumento ng mga transaksiyon sa bangko na batayan ng kanilang pagpapasya.

Ayon kay House private prosecutor spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., napagpasyahan lamang ng prosecution na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment matapos masuri ang mga bank records at iba pang dokumentong pinansiyal na hindi pa nila hawak noong nagsimula ang paglilitis.

Hindi naging posible na gawin agad ang naturang desisyon sa simula ng impeachment proceedings.

Sinagot ni Tolosa ang mga puna kung bakit hindi na lamang nakatuon ang prosecution sa Article II o alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman sa halip na gumugol ng ilang buwan sa paglalahad ng ebidensiya sa mga kasong kalaunan ay binawi rin nila.

Hindi agad nakuha ng prosecution ang mahahalagang dokumentong pinansiyal dahil sa mga pagtutol ng kampo ni Duterte sa pagpapalabas ng mga rekord.

“The defense really tried to block this,” ani Tolosa.

Binigyang-diin niya na kinailangan pang dumaan sa mga legal na proseso at pagdinig sa impeachment court bago tuluyang maaprubahan ang pagpapalabas ng mga hinihinging dokumento.

Matapos maglabas ng subpoena ang hukuman, kinailangan pa ng mahabang panahon bago maisumite ng mga kinauukulang institusyon ang mga rekord.

Nakatanggap ang prosecution ng napakaraming dokumento na kinailangang suriin, paghambingin at iugnay sa mga opisyal na deklarasyon ng ari-arian ni Duterte.

Kinailangan nilang hintaying mailabas ang mga dokumento bago maisagawa ang masusing pagsusuri, ayon sa abogado.

“We all saw the boxes of documents. Doon lang namin napag-aaralan,” ani Tolosa.

Batay sa pagsusuri ni forensic accountant Alexander Cabrera, umabot sa humigit-kumulang P817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman na natukoy mula sa iba’t-ibang kategorya ng mga ari-arian at transaksiyong pinansiyal.

Binanggit din ng prosecution ang mas malawak na pagsusuri na nagtataya sa posibleng halaga ng mga pagkakaiba sa pananalapi na umaabot sa humigit-kumulang P1.5 bilyon.

Kinukuwestiyon ng kampo ni Duterte ang naturang mga halaga at ang ginamit na pamamaraan sa pagsusuri ng mga dokumento.

Ayon kay Tolosa, ang mga resulta ng pagsusuri sa mga bank records at iba pang dokumento ang naging mahalagang dahilan kung bakit nagpasya ang prosecution na ituon na lamang ang paglilitis sa Article II.

Apat na artikulo ang isinampa laban kay Vice President Duterte na may kaugnayan sa confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol at grave threats.

Subalit noong Oktubre 13, binawi ang tatlong artikulo at naiwan ang Article II o alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman bilang natitirang usapin na pagpapasyahan ng Senate Impeachment Court.

Iginiit ni Tolosa na hindi basta-basta nagbago ang kanilang direksiyon sa paglilitis, kundi naging resulta ito ng masusing pagsusuri sa mga dokumentong matagal nilang hinintay.