Calendar
Garvin: VP Sara camp ‘delay, delay, divert’ tactic peg
NANINIWALA si House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na nasa “delay, delay and divert” tactic at paglilihis ng usapin ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo.
Isa ito sa mga naging dahilan kung bakit nagpasya ang prosecution panel na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban kay Duterte upang makapagtuon sa natitirang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
“Napakalinaw po na yung direksyon ng depensa ay to delay, delay, and divert,” diin ni Garin.
Ipinagtanggol ni Garin ang naging desisyon ng prosecution noong Oktubre 13 na bawiin ang Articles I, III at IV.
Sinabi ng solon na layunin ng hakbang na ituon ang paglilitis sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman sa halip na humaba pa ang proseso dahil sa maraming magkakahiwalay na alegasyon.
“Kaya rason na gumalaw din yung prosekusyon, kasi hindi naman pwedeng manaig ang taktika ng pagpapatagal at pagpapatagal, dahil ang usapin dito ay accountability o sagutin ang mga katanungan,” paliwanag nito.
Iginiit ng depensa na ang pagbawi sa tatlong artikulo ay nag-alis sa kanilang pagkakataong pormal na sagutin ang mga alegasyong naihain at natalakay na sa publiko.
Ipinaalala ni Garin na noong Hulyo pa ay iminungkahi na ng prosecution ang salit-salitang paglalahad ng ebidensiya at pagsagot ng depensa sa bawat artikulo ng impeachment.
Ayon kay Garin, hindi tinanggap ng kampo ni Duterte ang naturang mungkahi.
Nauna nang iginiit ni defense lawyer Michael Poa na kailangang mailahad muna ng prosecution ang kabuuan ng kanilang kaso at matukoy kung aling mga ebidensiya ang tinanggap ng hukuman bago obligahing sumagot ang Pangalawang Pangulo.
“Alam mo, the defense has nobody to blame but themselves,” pahayag ni Garin.
Ibinahagi rin ni Garin na sa simula pa lamang ng proseso ay nabanggit na umano ng kampo ni Duterte ang posibilidad na magharap ng hanggang 90 testigo kaugnay ng alegasyon ng grave threats.
“Kaya nga yung sinabi nilang, unang-una pa lang, 90 na yung kanilang witnesses doon pa lang sa grave threat,” ani Garin.
Idinagdag din ni Garin na nagkaroon naman ng sapat na pagkakataon ang mga abogado ni Duterte na tanungin ang mga testigong iniharap ng prosecution sa pamamagitan ng cross-examination.
Ngunit ayon sa kanya, sa halip na direktang talakayin ang mga pangunahing alegasyon, nagkaroon umano ng mga pagkakataong naililihis ang usapin sa ibang direksiyon.
Sa huli, inaprubahan ng Senate Impeachment Court ang pagbawi ng prosecution sa tatlong artikulo ng impeachment laban kay Duterte.
Dahil dito, ang Article II na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ang natatanging natitirang artikulong kailangang sagutin ng depensa.
Nakatakdang simulan ng kampo ni Vice President Duterte ang paglalahad ng kanilang mga ebidensiya sa Nobyembre 9.

