Calendar
Prosecution handa sa pagtatanong kay VP Sara, asawa–Luistro
HANDA ang House prosecution panel sa pagtatanong kina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sakaling personal na tumestigo sa resumption ng impeachment trial sa Senado sa Nov. 9, ayon kay lead prosecutor Rep. Gerville Luistro.
Pinag-aaralan na ng prosecution ang mga dokumentong isinumite ng depensa bilang paghahanda sa posibleng cross-examination kina Duterte at Carpio.
Ikinatutuwa ng prosecution ang posibilidad na personal na humarap sa impeachment court ang Bise Presidente at ang kanyang asawa upang ipaliwanag ang mga transaksiyong pinansiyal at mga opisyal na dokumentong inilatag ng prosecution sa nakaraang mga pagdinig.
“Of course, there’s always the possibility na bahagi ng kanilang mga testigo ang respondent vice president mismo, kasama na ang kanyang kabiyak na si Atty. Mans Carpio sapagkat totoo naman na sila lamang ang kayang magpaliwanag ng kasagutan kaugnay ng tibay at liwanag ng mga dokumentong naipresinta na ng prosecution,” paliwanag ni Luistro.
Mahalagang pagkakataon ito upang masagot ang mga katanungang matagal nang nais linawin ng prosecution kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
“At sa parte ng prosecution, I wish to express our interest, kami po ay interesadong-interesado na marinig ang kanilang testimonya, sapagkat ito yung kasagutang matagal na nating hinihintay,” diin ni Luistro.
Inihayag din ng lead prosecutor na masusing pinag-aaralan ng kanilang grupo ang pretrial brief ng depensa at ang pretrial order na inilabas ng Senate Impeachment Court.
Layunin nitong matukoy ang mga posibleng testimonya ng mga testigo ng depensa at makabuo ng mahahalagang katanungang may kaugnayan sa natitirang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Nauna nang natapos ang paglalahad ng ebidensiya ng prosecution sa ilalim ng Article II, kabilang ang testimonya ni forensic accounting expert Alexander Cabrera.
Batay sa pagsusuri ni Cabrera, umabot umano sa humigit-kumulang P817.87 milyon ang hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay kina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Gayunman, pinasinungalingan o kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang interpretasyon ng prosecution sa mga rekord ng pananalapi.
Kabilang sa mga dokumentong inilatag ng prosecution ang mga sumusunod:
– Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN); Income Tax Returns (ITR); mga dokumento ng mga korporasyon; mga rekord ng mga transaksiyon sa bangko; at iba pang dokumentong may kaugnayan sa mga deklarasyon ng ari-arian at interes sa negosyo.
Ayon sa prosecution, mahalagang masuri ang mga dokumentong ito upang matukoy kung may mga hindi naideklarang ari-arian o kuwestiyonableng interes sa negosyo habang nanunungkulan si Duterte bilang Pangalawang Pangulo.
Muling tiniyak ni Luistro na handa ang prosecution na isagawa ang cross-examination kay Vice President Duterte o sa kanyang asawang si Atty. Mans Carpio sakaling humarap ang mga ito bilang mga testigo ng depensa.
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment proceedings sa Senado sa Nobyembre 9, matapos aprubahan ang pagbawi ng prosecution sa tatlo sa apat na artikulo ng impeachment.
Ang Article II na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ang natatanging natitirang kasong kailangang sagutin ng kampo ni Duterte.
“Puspusan pa rin po ang ating preparation,” pagtitiyak ni Luistro.

