Bato

Payo ni Lacson sa awtoridad: Ilihim impormasyon sa paghabol sa high-profile na target

21 Views

PINAALALAHANAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo ang mga awtoridad na mahalaga ang “secrecy discipline” o mahigpit na paglilihim ng impormasyon sa paghabol sa mga high-profile na target.

Dapat din aniya itong sundin sa paghawak ng mga sensitibong kasong patuloy pang iniimbestigahan, maliban kung kailangan ang disinformation para mapalabas ang tinutugis.

Kasabay ito ng pinaigting na paghahanap ng pulisya kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos lumampas noong nakaraang linggo ang isang linggong palugit para siya sumuko.

“SSSHHH… : When pursuing a high-profile target or handling a sensitive live case, secrecy discipline is key – unless disinformation is necessary to flush the quarry into the open,” ani Lacson sa kanyang post sa X.

Sinabi ni Lacson, na naging hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 1999 hanggang 2001 at naging nakatataas ni Dela Rosa sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force, na hindi dapat agad isapubliko ng mga awtoridad ang “solid” na impormasyong makatutulong sa paglutas ng kaso hangga’t hindi pa tapos ang operasyon.

Dagdag niya, dapat lamang ilabas nang maaga ang sensitibong impormasyon kung bahagi ito ng sadyang estratehiya para mapalabas ang target.

Nauna nang nag-anunsyo si Interior Secretary Jonvic Remulla ng P50-milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto kay Dela Rosa.

May arrest warrant laban kay Dela Rosa mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Hindi na dumadalo si Dela Rosa sa Senado mula sa huling bahagi ng nakaraang taon, maliban nang saglit siyang lumitaw noong Mayo 11 para iboto si Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

Umalis umano siya sa Senado ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril doon noong gabi ng Mayo 13.

Hiniling umano ng kampo ni Dela Rosa sa Korte Suprema na pigilan ang kanyang pag-aresto, at iginiit na inilalagay ng pabuya sa panganib ang kanyang buhay.