Kiko

Kiko: Habulin mga sindikato ng hoarding, di maliliit na tindero

29 Views

HINIMOK ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang price freeze sa mga lugar na nasa state of calamity at paigtingin ang paghabol sa mga hoarder, profiteer at kartel, habang naghahanda aniya ang bansa sa epekto ng malakas na El Niño sa produksyon at presyo ng pagkain.

“I call on implementing agencies, local price councils, and law enforcement authorities to gather evidence and pursue criminal and administrative cases, where warranted, against those responsible for illegal price manipulation. Enforcement must not end with frontline sellers. We must target the very top,” wika ng senador, na tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.

“Ang panawagan ng taumbayan, ikulong ang mga mapagsamantala,” dagdag niya.

“Kung maliliit na tindero lamang ang hahabulin, walang saysay ito. Dapat nating panagutin ang mga malalaking negosyante, mga may-ari, at mga utak sa likod ng mga sindikatong sangkot sa hoarding at manipulasyon ng presyo,” giit pa ni Pangilinan.

Hiniling din niya sa mga ahensya at awtoridad na imbestigahan at kasuhan ang mga indibidwal at kumpanyang sangkot sa hoarding, profiteering at kartel na nagtatangkang samantalahin ang banta ng tagtuyot at kakulangan sa tubig para manipulahin ang suplay at presyo ng pagkain.

Ayon umano sa PAGASA, ang weather bureau ng gobyerno, umiiral na ang malakas hanggang napakalakas na El Niño sa Tropical Pacific. Inaasahan itong tatagal hanggang unang quarter ng 2027 at aabot sa rurok bago matapos ang taon.

Nanawagan si Pangilinan sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH) at Price Coordinating Council na higpitan ang pagbabantay sa merkado, ipatupad ang price freeze, at irekomenda ang pagtatakda ng price ceiling o pinakamataas na presyo kung kinakailangan alinsunod sa batas.

“Hindi na dapat pagkakitaan ang nalalapit na kalamidad na magpapahirap pa lalo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda na mamimili rin sa palengke. Sa panahon ng krisis, dapat protektado ang mga mamimili laban sa pagsasamantala,” aniya.

Ipinunto ng senador na sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act No. 7581 o Price Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10623, awtomatikong naka-freeze sa umiiral na presyo o nasa ilalim ng automatic price control ang mga pangunahing bilihin sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity, maliban kung iba ang ideklara ng Pangulo.

Tatagal ang awtomatikong price freeze hangga’t umiiral ang kalagayang pinagmulan nito, pero hindi lalampas ng 60 araw. Para naman sa mga bilihing buong inaangkat at deregulated, gaya ng LPG na pambahay at kerosene, hanggang 15 araw lamang ito, batay sa umiiral na imbentaryo o suplay.

Ipinagbabawal ng Section 5 ng Price Act ang hoarding o labis na pag-iimbak ng paninda, ang profiteering o pagbebenta sa sobrang taas na presyo, at ang kartel o sabwatan ng mga negosyante para manipulahin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at prime commodities.

Sa ilalim ng Section 15, makukulong nang lima hanggang 15 taon at pagmumultahin ng P5,000 hanggang P2 milyon ang mapapatunayang ilegal na nagmanipula ng presyo.

Ayon naman sa Section 16, ang lalabag sa awtomatikong price freeze o itinakdang price ceiling ay maaaring makulong nang isa hanggang 10 taon, pagmultahin ng P5,000 hanggang P1 milyon, o pareho, depende sa pasya ng korte.

Nagbabala rin si Pangilinan na maaaring managot ang mga opisyal ng gobyerno na makikipagsabwatan o sadyang magtatago ng paglabag sa Price Act. Sa ilalim ng Section 19, ituturing na pangunahing responsable sa paglabag ang opisyal o empleyadong gagawa nito dahil sa kanyang posisyon, at may dagdag na parusang permanenteng diskuwalipikasyon sa paghawak ng puwesto sa gobyerno.