Calendar
Walang nalabag sa karapatan sa due process ni VP Sara–Tolosa
IGINIIT ni House prosecution panel counsel at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na walang paglabag sa karapatan sa due process ni Vice President Sara Duterte ng bawiin ng prosecution ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban sa kanya.
Hindi pinagkaitan si Duterte ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili dahil wala nang magiging desisyon ang Senate Impeachment Court laban sa kanya kaugnay ng tatlong kasong binawi ng prosekusyon, sabi ng abogado.
Tinanggihan ni Tolosa ang argumento ng kampo ni Duterte na nalabag ang kanyang karapatan dahil naiprisinta at natalakay na sa publiko ang mga alegasyon laban sa kanya, ngunit hindi na siya nabigyan ng pagkakataong magharap ng ebidensiya upang sagutin ang mga ito sa harap ng mga senador-hukom.
“Can I respond to that quickly? So, but yung due process, it does not apply,” pahayag ni Tolosa.
Ipinaliwanag nito na ang due process o karapatan sa makatarungang proseso ay nangangahulugang hindi maaaring maglabas ng desisyon laban sa isang tao nang hindi muna siya binibigyan ng pagkakataong marinig at maipagtanggol ang kanyang panig.
Gayunman, ayon kay Tolosa, hindi na ito magiging usapin sa tatlong articles of impeachment na binawi ng prosecution panel dahil wala nang magiging hatol laban sa Bise Presidente kaugnay ng mga naturang alegasyon.
Inaprubahan ng Senate Impeachment Court noong Oktubre 13 ang pagbawi ng prosecution panel sa tatlong articles of impeachment na may kaugnayan sa confidential funds, bribery at grave threats.
Article II na lamang, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, ang natitirang kasong pagdedesisyunan ng Senado sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings sa Nob. 9.
Binigyang-diin din ni Tolosa ang naging mungkahi ng presiding officer ng Impeachment Court na alisin ang sub judice rule o pagbabawal sa pampublikong pagtalakay sa mga kasong nakabinbin sa hukuman, partikular sa tatlong articles na binawi na.
“Ito ay malinaw na para sa kapakinabangan ng depensa. Para makapag-Facebook siya,” ani Tolosa.
Kinuwestiyon din niya ang naging pagtutol ng kampo ni Duterte sa mungkahing alisin ang naturang restriksiyon.
“Ang hindi maintindihan ay ang reaksiyon ng depensa na nagsasabing ayaw nila at huwag silang payagang magsalita. Bakit?” tanong ni Tolosa.
Binigyang-diin ng private prosecutor na nananatiling malaya ang Bise Presidente na ipahayag sa mga naaangkop na pampublikong plataporma ang kanyang panig tungkol sa mga alegasyong hindi na kabilang sa impeachment trial.
Nilinaw niya na ang pagbawi sa tatlong articles of impeachment ay hindi nangangahulugang awtomatikong natatapos ang iba pang hiwalay na imbestigasyong kriminal at administratibo na maaaring may kaugnayan sa mga naturang usapin.
Article II na lamang ang haharapin ng kampo ni Duterte, partikular ang mga alegasyon tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at mga deklarasyon ng kanyang ari-arian.

