Barbers

Barbers: Maaaring gamitin ng Ombudsman ebidensiya sa paglilitis kay VP Sara para sa mga kasong kriminal

Mar Rodriguez Oct 14, 2026
27 Views

MAAARING gamitin ng Office of the Ombudsman ang mga testimonya at dokumentong iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte upang mapabilis ang imbestigasyon nito sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson – congressman Robert Ace S. Barbers.

Ayon kay Barbers, nakapagpatotoo na sa ilalim ng panunumpa ang mga testigo sa harap ng Senate impeachment court. Dahil dito, mayroon nang mga ebidensiyang maaaring suriin ng Ombudsman upang matukoy kung may sapat na batayan para magsampa ng mga kasong kriminal.

“Naniniwala ako na makatitipid ito ng malaking panahon para sa Ombudsman sa pagsasagawa ng kanilang paunang imbestigasyon, upang makabuo ng kaso at maisampa ito sa Sandiganbayan,” pahayag ni Barbers.

Sinabi ni Barbers na saklaw ng mga testimonya ang pangangasiwa at pagpapalabas ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Nangyari na po ito. Humarap na ang mga testigo sa impeachment court, at maaari nang gamitin ng ating Ombudsman ang mga ito bilang batayan sa pagsasampa ng kaso sa hukuman,” dagdag ni Barbers.

Kamakailan ay pinal nang pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang disallowance sa halagang ₱73.287 milyon na ginastos mula sa confidential funds ng OVP noong Disyembre 2022 dahil sa mga kakulangan sa mga dokumentong sumusuporta sa naturang mga gastusin.

Ayon kay Barbers, kinakailangang magsagawa pa rin ang Ombudsman ng sarili nitong pagsusuri sa mga ebidensiya upang matukoy kung may sapat na batayan para ituloy ang pagsasampa ng mga kasong kriminal.

“Siyempre, bibigyan natin ng pagkakataon ang Office of the Ombudsman na pag-aralan ang mga ebidensiya at testimonya na iniharap sa impeachment court,” aniya.

Nauna nang naghain ng mga reklamong kriminal na may kaugnayan sa plunder at iba pang paglabag laban kay Duterte dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.

Kabilang dito ang mga reklamong inihain noong Disyembre 2025 at Enero 2026. Sa mga reklamong inihain noong Enero 2026, kabilang si dating Senador Antonio Trillanes IV at iba pang mga nagrereklamo.

Noong Martes, inaprubahan ng Senate impeachment court ang pagbawi sa Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, Article III na may kaugnayan sa bribery o panunuhol, at Article IV na tumatalakay sa grave threats o malulubhang pagbabanta at mga kaugnay na alegasyon.

Dahil dito, article II na lamang ang natitirang impeachment charge na kailangang pagpasiyahan ng hukuman. Saklaw nito ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi wasto o hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian, at mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.

Nanindigan ang House prosecution na ang pagbawi sa kasong may kaugnayan sa confidential funds sa impeachment trial ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring magsagawa ng hiwalay na kasong kriminal laban kay Duterte.

Gayunman, ang anumang kasong kriminal ay mangangailangan pa rin ng malayang pagsusuri sa mga ebidensiya at pagsunod sa mga naaangkop na prosesong legal.

To God be the Glory