Calendar
KORTE SA DAVAO ASSESSOR: ISUMITE PROPERTY RECORDS NI VP SARA HANGGANG NOB. 11
BINIGYAN nitong Martes ng Senate impeachment court si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin hanggang Miyerkules, Nobyembre 11, para isumite ang listahan ng mga ari-ariang nakapangalan kay Vice President Sara Duterte at sa asawa nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio, pati ang detalye ng travel agency sa biyahe niya sa China. Kung hindi siya susunod at walang sapat na paliwanag, maglalabas ang korte ng compulsory process laban sa kanya.
Ang compulsory process ay utos ng korte na pumipilit sa isang tao na sumunod, gaya ng pagsusumite ng dokumento.
Sa ika-41 araw ng impeachment trial, kinumpirma ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na wala pang natatanggap ang korte sa mga dokumentong hiningi ng mga senator-judge kay Adalin nang tumestigo ito noong Lunes.
Kabilang dito ang listahan ng mga ari-ariang nakapangalan kay Duterte at Carpio, hiwalay man o magkasama, at ang pangalan ng travel agency na may kinalaman sa biyahe ni Adalin sa China.
“We have not received such a report from Engineer Adalin,” ani Escudero.
“Neither have we received a copy or name of the travel agency requested by Senator-Judge Raffy Tulfo,” dagdag niya.
“If by tomorrow the same is not yet complied with, unless sufficient cause or reason is given, the court will be forced to issue compulsory process on the same,” babala pa ng presiding officer.
Inatasan ni Escudero ang Clerk of Court na agad makipag-ugnayan kay Adalin para alamin kung kaya nitong ibigay ang mga dokumento o kung may maipapaliwanag ito sa pagkaantala.
Ipinaalala naman ni Senator-Judge Risa Hontiveros na nangako si Adalin noong Lunes na ibibigay ang mga dokumento sa mismong araw na iyon.
“I actually requested him and he committed to furnishing us those documents within yesterday,” wika ni Hontiveros.
Si Adalin ang unang testigong iniharap ng depensa. Hiningi ang listahan ng mga ari-arian para matukoy kung tugma ang mga ari-ariang nakapangalan kay Duterte at Carpio sa idineklara ng Bise Presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), ang sinumpaang deklarasyon ng ari-arian at utang ng mga opisyal ng gobyerno.
Hiningi naman ang detalye ng travel agency matapos umanong mahirapan si Adalin na alalahanin ang detalye ng kanyang mga biyahe, bagama’t iginiit niyang siya mismo ang gumastos dito.
Bago ito, tumayo si Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III para itanong kung anong parusa ang maaaring ipataw sa testigong magsisinungaling sa harap ng korte.
“Is it not we have penalties and sanctions against those who lie before the impeachment court? Will you please refresh my memory on this matter so that the witnesses and the prosecution and the defense will be reminded as well?” tanong ni Sotto.
Sagot ni Escudero, maaaring ma-contempt ng korte ang testigong magsisinungaling. Maaari rin itong maharap sa kasong perjury kung may magsasampa nito, dahil sinumpaan ang testimonya.
“They may be subject to contempt by the court, your honor, and in addition to that may be subjected to cases of perjury should one be filed against them before the proper prosecutor’s office and/or court of law,” paliwanag niya.
Binanggit naman ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang Resolution No. 39 na pinagtibay noong Marso 23, 2011, na tahasang nagbibigay sa impeachment court ng kapangyarihang mag-cite in contempt.
Pinuna rin ni Lacson ang pagtestigo ni Adalin noong Lunes, kung kailan ilang beses itong sinita ng ilang senator-judge dahil tila hindi umano nito sineseryoso ang pagharap sa paglilitis.
“Yesterday was not a good day for the impeachment court, simply because we had a witness who smirked, who laughed, almost made a mockery of the impeachment trial,” ani Lacson.
“And we don’t want to have a repeat of that kind of testimony,” dagdag niya.
“Just a reminder to everyone that this is not an implied power of the impeachment court but an expressed power granted by such resolution,” iginiit ni Lacson.
Aminado naman si defense spokesperson Atty. Michael Poa na ikinagulat ng depensa nang maungkat ang ilang beses na pagbiyahe ni Adalin sa China. Ayon kay Poa, hindi nila alam ang tungkol dito, at nilinaw na raw ni Adalin na personal ang mga biyahe.
“It is up to the appreciation of the court,” ani Poa. Sinabi rin niyang iginagalang ng depensa ang “curiosity” ng mga senator-judge sa usapin.
Iniharap na ng depensa nitong Martes ang ikalawa nitong testigo, si Island Garden City of Samal City Assessor Engr. John Kenneth Enumerables. Mahigit 20 testigo ang nakatakdang iharap ng depensa ngayong linggo.
