Chiz

Matanos o San Isidro? Escudero kinuwestyon magkaibang lokasyon ng lupa ni Carpio

19 Views

MATANOS o San Isidro?

Kinuwestyon ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero nitong Martes ang magkaibang lokasyong nakasaad sa titulo at tax records ng lupa ng asawa ni Vice President Sara Duterte, na muling nagbukas ng usapin kung wastong naideklara ang ari-arian sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sa ika-41 araw ng impeachment trial, tinanong ni Escudero si Island Garden City of Samal Assessor Engr. John Kenneth Enumerables kung bakit Matanos ang nakasaad sa titulo ng lupa ni Atty. Manases Carpio, samantalang Barangay San Isidro ang lumilitaw sa tax declaration at tax mapping records.

“Paano nagkaroon ng titulo na ‘Brgy. Matanos’ pero sa tax mapping at tax declaration ay ang nakalagay ay ‘Brgy. San Isidro’?,” tanong ni Escudero.

Ipinaliwanag ni Enumerables na batay sa technical description ng ari-arian, ang lupa ay matatagpuan sa Barangay San Isidro, Kaputian District, Samal City.

Ngunit higit na naging palaisipan ang usapin dahil sa mga opisyal na rekord na nagpapakitang magkaibang lokalidad ang iniuugnay sa Matanos at San Isidro.

Batay sa talaan ng Department of Education (DepEd), ang Matanos Elementary School ay matatagpuan sa Upper Pangubatan, Kaputian District, sa ilalim ng Barangay Pangubatan.

Samantala, ang San Isidro Elementary School ay matatagpuan sa Centro San Isidro, Barangay San Isidro, sa kaparehong distrito.

Sa opisyal na listahan ng 46 barangay ng Samal City, magkahiwalay na nakalista ang Pangubatan at San Isidro, habang walang barangay na may pangalang Matanos.

Gayunman, hindi sapat ang pagkakaiba ng mga pangalan upang patunayang dalawang magkaibang lupa ang pinag-uusapan.

Hindi pa malinaw kung ang Matanos sa titulo ay isang lumang cadastral description, pangalan ng isang lokalidad o ibang pagtukoy sa lupang nakasaad sa tax declaration.

Mahalaga ang pagkakaibang ito dahil kailangang matiyak kung ang ari-ariang nakasaad sa titulo, tax declaration at SALN ni Duterte ay iisang property.

Nauna nang kinuwestiyon ng prosekusyon ang naturang lupa noong Oktubre 1, 2026, nang tumestigo bilang saksi nito si Acting Samal Register of Deeds Atty. Marco Pineda sa ika-32 araw ng impeachment trial.

Ayon kay Pineda, bumili si Carpio ng lupang may lawak na 751 metro kuwadrado sa Samal City noong 2018 sa halagang P3,453,849, batay sa Deed of Absolute Sale.

Sa pagtatanong ng House prosecution panel, partikular ni Rep. Jonathan Keith Flores, sinuri kung ang taon ng acquisition, lokasyon at halaga ng lupa sa deed of sale ay tumutugma sa 2019 SALN ni Duterte.

“Nothing matches the land described in the Deed of Absolute Sale dated 2018,” sagot ni Pineda.

Gayunman, ang kaniyang sagot ay nakabatay sa paghahambing ng mga dokumento at hindi pa pinal na legal na konklusyong hindi naideklara ang ari-arian.

Sa mga naunang pagsusuri sa SALN, lumitaw rin ang 2013 bilang taon ng acquisition at P4,041,000 bilang acquisition cost, na hindi tumutugma sa petsa at halagang nakasaad sa 2018 deed of sale.

Nakalagay naman ang San Isidro bilang lokasyon sa 2018 SALN, habang Matanos ang lumitaw sa 2019 SALN.

Dahil dito, naging mahalaga ang testimonya ni Enumerables upang linawin ang ugnayan ng mga dokumento at kung ang mga pagkakaiba ay bunga ng lumang land records o tumutukoy sa ibang ari-arian.

Sa panig ng depensa, sinabi ni Atty. Lindon Miguel Bacquel na iniharap nila si Enumerables upang patunayang ang lupang sakop ng Transfer Certificate of Title (TCT) No. 142-2019013134 ay naideklara ni Duterte sa kaniyang SALN.

Layunin din ng testimonya ng city assessor na kilalanin at patunayan ang mga tax declaration at iba pang opisyal na rekord na may kaugnayan sa lupa.

Iginiit ng depensa na ang alegasyon ng prosekusyon na hindi naideklara ang ari-arian ay “malicious and completely false.”

Ngunit mariing tumutol si House prosecution lawyer Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., na kumuwestiyon kung sapat ang kaalaman at mga dokumentong hawak ni Enumerables upang patunayang ang lupang nasa titulo ay siya ring ari-ariang nakasaad sa SALN.

Ayon kay Tolosa, hindi sapat ang pagkakatukoy sa iisang barangay upang matiyak na magkapareho ang mga ari-ariang inilalarawan sa magkakaibang dokumento.

Iginiit niyang may mahahalagang pagkakaiba sa mga detalye ng mga dokumentong kailangang maipaliwanag.

Tinuligsa rin ni Tolosa ang paggamit ng depensa ng mga salitang “malicious” at “false” laban sa prosekusyon.

“Definitely not and the terms malicious and falsely came from the defense. So, they cannot expect us to take that sitting down and not vehemently object to it,” ani Tolosa.

Hiniling naman ng depensa na alisin sa rekord ang mga pahayag ni Tolosa, sa pangangatwirang tila ang abogado na mismo ang tumetestigo sa halip na ang saksi.

Gayunman, pinayagan ni Escudero na manatili sa rekord ang manifestation ni Tolosa, alinsunod sa naunang naging pasya ng impeachment court, at napapailalim sa cross-examination.

Ang pagtatalo ay bahagi ng Article II ng impeachment case laban kay Duterte na tumatalakay sa mga alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong pagdedeklara ng mga ari-arian.