Echo

Kristine ‘i-fi-filter’ si Echo bago makatrabaho

Vinia Vivar Apr 22, 2024
98 Views

Sinagot na ni Kristine Hermosa ang sinabi ni Jericho Rosales na gusto niyang makasama ulit ang dating partner.

Matatandaan kasi na sa isang interview kay Echo ay sinabi niyang kasama sa kanyang bucket list ang gumawa sila ng movie version ng 2000 hit series nila ni Kristine na Pangako Sa ‘Yo.

Ayon sa aktor, gusto niyang ipakita sa movie version ang karakter nila ni Kristine pagkatapos ng dalawang dekada.

Sa latest interview ni MJ Marfori kay Kristine, nahingan ng reaksyon ang dating aktres sa sinabing ito ng dating ka-loveteam at kung willing ba siyang magbalik sa pag-arte, if ever.

“I think, depende talaga,” wika ng misis ni Oyo Sotto. “Depende po sa project, depende sa mga eksena, basta depende. I need to see everything muna. Talagang i-filter ko muna lahat, kumbaga, kung worth it naman ang gagawin namin. Hindi ‘yung masabi lang na may ginawa lang together,” sey pa niya.

Wala namang problema sa kanya na muling makatrabaho si Echo dahil very professional ito. Pero ang mas importante sa kanya talaga ay ang materyal.

“Ayoko kasi ‘yung gumagawa ng kung anu-ano lang. Kumbaga, kung gagawa ako, something that’s worth it naman. Worth may time, ‘yung effort ko tapos siyempre, iiwanan ko ‘yung mga anak ko, ‘yung mga ganun,” paliwanag pa ng tinaguriang isa sa most beautiful faces in showbiz.

Anyway, sa kasalukuyan ay buntis si Kristine sa kanilang pang-anim na anak ni Oyo.

Bagong co-anchor ng Net25 ipinakilala

Ipinakilala na kamakailan bilang bagong co-anchor ng Net25 ang isa sa mga premyadong pangalan sa larangan ng pagbabalita, si Ali Sotto.

Kasama ang isa pa sa mga hinahangaang broadcaster na si Alex Santos, si Ali ay inaasahang kasabay nito sa paghahatid ng patas, wasto at pinakamainit na balita at impormasyon gabi-gabi sa Mata ng Agila Primetime.

“Matagal ko nang hinihintay na makatrabaho ko si Alex. Basta ako (Alex), katuwang mo ako, kakampi mo ako tuwing alas-6 hanggang alas-7:30 ng gabi, Monday to Friday — ang Santos-Sotto, iisa ang adhikain na maghatid ng totoo. Totoong balita at impormasyon sa kanila.” ani Ali.

Nagsimula naman si Alex bilang isang baguhan at batang TV reporter, mamamahayag, news editor at director sa Davao.

Ngunit sa kanyang taglay na galing at talino, dinala siya ng kanyang talento sa mga kilala ring himpilan ng radyo at telebisyon ng bansa.

Sa isang sit down interview kasama ni Ali kamakailan, ipinahayag ni Alex ang pasasalamat sa pagsama ni Ali sa Mata ng Agila Primetime.

Nang tanungin tungkol sa kanyang saloobin sa pagbabalik sa pagiging news anchor ng isang malaking programa, sey ni Ali, “Tinatanaw ko ito bilang isang napakalaking pribilehiyo na nabigyan akong muli ng pagkakataon ng ating mga kababayan na muling makapagsilbi sa kanila gabi-gabi.”

Aniya pa, “Nagpapasalamat po ako sa tiwala ng Net25 management, nang ako po’y piliin at alukin na makasama ko kayo tuwing gabi sa paghahatid po ng pinakatotoong balita.”

Mapapanood sina Alex at Ali mula Lunes hanggang Biyernes., alas-6 hanggang alas-7:30 ng gabi, sa Net25 at sa lahat ng livestreaming platforms nito sa Facebook at YouTube.