Rape

Kulong na rape, dinakip pa sa acts of lascivousness

Edd Reyes Feb 5, 2025
10 Views

PANIBAGONG arrest warrant ang isinilbi ng pulisya sa 22-anyos na estudyante na una ng dinakip sa kasong panghahalay sa Malabon City.

Sa Malabon City Jail na isinilbi ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col Jay Baybayan ang warrant of arrest na inilabas nitong Enero 21, 2025 ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada ng Branch 289 laban kay alyas “John”, residente ng Brgy. Tonsuya, para sa kasong Acts of Lasciviousness dakong alas-4:20 ng Lunes ng hapon.

May inilaan namang piyansa na nagkakahalaga ng P36,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado subalit sa impormasyong ibinahagi ni P/Capt. Lalaine Almosa, Station Duty Officer ng Malabon Police, hindi rin makakalaya si alyas John kahit maglagak ng piyansa dahil sa kasong rape na kanyang kinakaharap na walang inirekomentandang piyansa,

Napag-alaman na nauna ng dinakip ng Warrant and Subpoena Section ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon RTC Presiding Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Branch 291 para sa kasong Rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code (RPC) na inamiyendahan ng R.A. 8353.

Binigyang papuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang Malabon Police Station sa masigasig na pagtugis sa mga wanted na kriminal na nahaharap sa mabibigat na kaso sa hukuman.