bro marianito

Kung ano ang nakikita sa ama, makikita rin sa anak

222 Views

Nakikita rin sa ating pamumuhay si Jesus dahil sa ating pakikiisa sa kaniya (Juan 14:6-14)

MARAHIL ay narinig na ninyo ang mga katagang “Like Father, Like Son” na ang ibig pakahulugan kung ano ang nakikita sa Ama, ito rin ang makikita sa kaniyang Anak.
Sa madaling salita, para silang xerox copy o pinagbiyak na bunga.

Ganito ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Juan 14:6-14) tungkol sa pagiging isa ng ating Amang nasa Langit at ni Hesu-Kristo na kaniyang bugtong na Anak.

Winika ni Jesus na “Kung ako’y kilala ninyo ay kilala na rin ninyo ang aking Ama.

Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita”. (Juan 14:7)
Datapwat nagulumihanan si Felipe sa winika ni Jesus matapos nitong sabihin na ipakita sa kanila ni Jesus ang Ama.

Ngunit magkagayunman, ipinaliwanag ni Kristo na ang nakakita na sa kaniya ay nakikita na rin sa Ama.

Ibig lamang ipakahulugan dito ng Panginoong Hesu-Kristo na ang kaniyang mga ginagawa at naging buhay sa ibabaw ng lupa ay hindi lamang sa kaniyang sarili kundi kagustuhan ng ating Amang nasa Langit.

Sapagkat ang Ama na nananatili sa kaniya ang siyang gumaganap ng kaniyang mga gawain.

Kabilang dito ang pangangaral sa Salita ng Diyos, pagpapagaling sa mga may sakit at pagpapalayas ng masasamang espirito sa mga taong sinasapian nito.
Nakikita kay Jesus ang Ama, kaya sa pagpapatuloy ng kaniyang Ministeryo dito sa mundo.

Ang lahat ng kaniyang mga ginagawa ay alinsunod sa kagustuhan ng kaniyang Ama.

Ipinahayag ni Kristo na siya ay nasa Ama at ang Ama ay nasa kaniya. Ang ibig sabihin ay ang Ama at siya ay iisa.

Ito ang isang bagay na hindi maunawaan at matanggap ng mga matataas na pinunong Judio at mga Tagapagturo ng Kautusan sa pangunguna ng mga Pariseo at Saduseo dahil ang tingin nila kay Jesus ay isang bulaang Propeta na nagpapanggap na Anak ng Diyos.

Ang sinomang nananatili at nakikipagisa kay Jesus ay nagiging katulad na rin ni Kristo sa pamamagitan ng ating pamumuhay, pagtulong sa ating kapuwa at pagsasabuhay sa kaniyang mga salita.

Nakikita rin sa ating pamumuhay ang imahe ni Hesu-Kristo dahil naisasabuhay natin ang mga mabubuting bagay na kaniyang ginawa noong panahon niya na iniatas sa kaniya ng ating Amang nasa Langit.

Kaya hindi rin tayo dapat magtaka kung si Hesu-Kristo ay nasa sa atin at tayo na kay Hesu-Kristo.

Sapagkat siya at tayo ay iisa sa pamamagitan ng isang pamumuhay na naayon sa kaniyang kalooban.

Ngayong panahon ng pandemya, ito ang pagkakataon para maipakita natin sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong ang presensiya ng ating Panginoong Jesus.

Ipakita natin sa kanila na buhay at totoo ang Diyos. Dahil may ilan sa ating mga kababayan ang pinanghihinaan na ng loob, nawawalan ng pananampalataya at nawawalan ng pag-asa dulot ng krisis na ito.

Iparamdam natin sa kanila ang presensiya at pag-ibig ng Diyos. Nawa’y makita nila sa atin ang ating Panginoong Hesu-Kristo.

Manalangin Tayo:
Panginoon namin, nawa’y manatili kami sa iyo upang huwag na kaming muling mawalay at maligaw.

Dahil ikaw at kami ay iisa tulad ng isang Ama sa kaniyang Anak.

AMEN