Calendar
Source: Ping Lacson FB
Lacson binanatan si Marcoleta sa panawagang ipagtanggol si Cayetano
BINANATAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Senador Rodante Marcoleta matapos sabihin ng huli na dapat nagprotesta ang minority bloc sa umano’y pagsigaw ni Interior Secretary Jonvic Remulla kay Senate President Alan Peter Cayetano sa gitna ng pag-aresto kay Senador Jose “Jinggoy” Estrada.
Ayon kay Lacson, ang pagtatanggol sa kasarinlan ng Senado ay hindi nangangahulugang maaaring ituring si Cayetano o sinumang senador na higit sa batas.
“Damn your damdamin,” ani Lacson sa isang post sa X, bilang tugon sa panawagan ni Marcoleta na dapat nagpakita ng pakikiisa ang minority bloc kay Estrada bilang kapwa senador at kay Cayetano bilang Senate President.
“So, kasalanan pa ng minority bloc na hindi nag-protesta dahil sinigawan ang Senate President natin? Actually, laking pasasalamat nga namin na hindi siya binigwasan ni Sec Jonvic dahil sa inasal niya kahapon. D*mn your damdamin,” sabi ni Lacson.
Nauna nang sinabi ni Marcoleta sa isang panayam sa radyo na dapat tinutulan ng minority bloc ang umano’y pagtaas ng boses ni Remulla kay Cayetano dahil ang Senate President ay “dapat igalang.”
Nag-ugat ang isyu sa pag-aresto kay Estrada matapos dumating ang mga pulis sa Senado upang ipatupad ang arrest order ng Sandiganbayan laban sa kanya kaugnay ng mga kasong plunder at graft.
Tinangka ngunit nabigo si Cayetano na pigilan ang pag-aresto, habang binanggit ang kaso ni dating Senate President Jovito Salonga na iniuugnay sa mga naunang talakayan sa tangkang pag-aresto noon kay dating Senador Juan Ponce Enrile.
Itinuloy ni Remulla ang pagpapatupad ng warrant sa kabila ng komprontasyon kay Cayetano.
Iginiit ni Lacson na hindi dapat gamitin ang kasarinlan ng Senado upang makaiwas ang sinumang senador sa proseso ng batas.
“Standing up for the Senate’s independence does not place SP Cayetano and any senator above the law. It has nothing to do with non-adherence to the rule of law. Dereliction of duty will not solve this partisan gridlock. Its sole purpose is to hold legislation hostage,” ani Lacson.
Inilabas ni Lacson ang pahayag habang nananatiling hati ang Senado sa banggaan ng majority at minority blocs, kasabay ng paratang ng minorya na tumatalikod sa tungkulin ang mayorya matapos mabigo ang mga sesyon.
Ayon kay Lacson, hindi malulutas ng pagliban sa sesyon ang standoff at lalo lamang nitong maaapektuhan ang trabaho ng Senado sa paggawa ng batas.
Dahil dito, lumawak ang usapin kung dapat bang gamitin ang Senate courtesy at dignidad ng institusyon kapag may ipinatutupad na court order laban sa isang nakaupong senador.
Itinanggi ni Estrada ang mga alegasyon laban sa kanya at sinabing haharapin niya ang mga kaso sa korte.

