Calendar
Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson,
Sen. Imee R. Marcos
Lacson kay Imee: Pag nasa glass house, wag kang mambato
NAGPALITAN ng matitinding pahayag sina Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson at Senator Imee R. Marcos noong Enero 11 kaugnay ng umano’y P2.5 bilyong “allocables” na konektado sa opisina ni Marcos sa 2025 National Expenditure Program (NEP).
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lacson: “Pag nasa glass house ka, huwag kang mambato.”
Idinagdag pa niya, “Meron siyang allocable doon na P2.5 billion sa NEP sa Cabral files. Meron din siyang napasama kasi burado ang allocables sa NEP pero pagdating sa insertion, paglabas sa bicam at ito ang enrolled bill, ang iba na-FLR. Pero si Sen. Imee, meron din doon… At ang FLR niya may na-release doon.”
Ayon kay Lacson, ang mga impormasyong ito ay mula sa kampo ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
“Siya ang nag-iingay na kini-criticize niya ang 2026 budget na puno raw ng pork, pero siya mismo may pork sa 2025 GAA… Unang una, member siya ng bicam. Bakit di siya nag-raise ng issue nang nandoon siya?” aniya.
Sumagot naman si Marcos sa pamamagitan ng opisyal na pahayag: “Medyo nakakatawa siya, ’di niya alam na lahat ’yan ay wishlist na binigay sa DPWH Central Office. Clueless ba siya na kaming mga oposisyon lahat FLR o ‘for later release’ kaya ni isa diyan ay walang naibigay, ZERO kaming lahat nila Bong Go, Bato at Robin!”
Dagdag pa ni Marcos, “At, malay ko ba sa allocables ng admin, sa aming dalawa, hindi ako ang abogada ng Malacañang. Parang masyadong gigil itong si Senator Ping sa akin, baka makipagsabunutan — sure akong talo ako diyan!”
Kasunod nito, naglabas muli ng tugon si Lacson: “I say again — People ought to be reminded to reflect on their own actions before criticizing others. Sa Tagalog, kung wala kang moral na karapatan para mamintas ng kapwa mo, manahimik ka na lang sana.”
Sa naunang panayam, sinabi pa ni Lacson na dumadalo si Marcos sa mga pamamahagi ng ayuda tulad ng MAIFIP at AICS, na tinawag umano nitong “soft pork.”
“Siya nga ang hilig mag-attend doon tapos sasabihin niyang may tinadtad na pork? Pag wala kang moral ascendancy wag ka nang magsalita,” aniya.
Tinutulan din ni Lacson ang pahayag ni Marcos tungkol sa Blue Ribbon Committee, at iginiit niyang hindi dumalo ang senadora sa mga pagdinig. “Unang una, paano niyang masasabing pinagbawalan, hindi naman siya nag-a-attend ng hearing?” ayon kay Lacson.
“Iniinsulto niya ang Blue Ribbon Committee, ina-undermine niya ang integridad ng komite. Bakit di siya mag-attend at magtanong?” dagdag nito.
Sa parehong panayam, nang tanungin kung ano ang dahilan ng mga banat ni Marcos, pabirong sagot ni Lacson: “Baka gusto niyang mag-apply na ‘meow-meow’ ng Senado… Ayaw naming magkaroon ng ‘meow-meow’ sa Senado pero parang may gustong mag-apply.”
Ayon kay Lacson, hindi rin niya alam kung bakit may ilang senador, kabilang si Sen. Rodante Marcoleta, na tila gustong “gambalain ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.”
Parehong inilabas ng dalawang senador ang kani-kanilang opisyal na pahayag noong Enero 11. Wala pang tugon mula sa Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa isyu.

