Calendar
Source: Ping Lacson
Lacson kinuwestiyon patuloy na pag-angkin ni Cayetano sa Senate presidency
KIUWESTYON ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang patuloy na pag-angkin ni Alan Peter Cayetano sa pagka-Senate President, kasabay ng pagsasabing hindi na siya kinikilala ng ilang institusyon at legal na personalidad bilang lider ng Senado.
Sa pahayag nitong Linggo, pinuna ni Lacson ang patuloy na pagla-livestream ni Cayetano at ang paggiit nitong siya pa rin ang Senate President, na aniya’y nagpapakita ng kahinaan sa batas at sa datos.
“The Executive Department, House of Representatives, Integrated Bar of the Philippines, law deans, law professors, former Senate presidents and many others do not recognize Senator Alan Cayetano as the President of the Senate. So, what is he?” sinabi ni Lacson sa post sa X.
“When you’re strong on the law, pound the law. When you’re strong on the facts, pound the facts. When you’re weak on both… — mag-Facebook Live ka na lang,” dagdag niya.
Inilabas ni Lacson ang pahayag matapos magpulong ang 12 senador noong Hunyo 3 sa kabila ng boycott ng blokeng pinamumunuan ni Cayetano. Inihalal ng grupo si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President, isang pagbabago sa liderato na kinilala ng Malacañang, liderato ng Kamara at Integrated Bar of the Philippines, ayon sa pahayag ni Lacson.
Patuloy namang iginiit ni Cayetano na siya pa rin ang Senate President at sinabi rin niyang siya ang magsisilbing presiding officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Itinanggi rin ni Lacson ang alegasyon ni Cayetano na nakipag-ugnayan umano siya sa Malacañang upang idiin ang ilang personalidad sa umano’y flood-control irregularities habang pinoprotektahan ang iba.
“Lie pa more, kung saan siya masaya,” sinabi ni Lacson bilang tugon sa livestream ni Cayetano.
“The fact that the Ombudsman and the Sandiganbayan have already validated the Blue Ribbon Committee’s recommendations belies Cayetano’s accusations,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacson na ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee na kanyang pinamunuan ay sumunod lamang sa ebidensiya at humantong sa pagsasampa ng kaso laban sa ilang personalidad, kabilang ang ilang kapwa senador.
Sinabi rin niya na masakit para sa kanya ang sitwasyong kinasasangkutan ng ilan sa kanyang mga kasamahan, ngunit hindi niya maaaring talikuran ang kanyang tungkulin bilang chairman ng Blue Ribbon Committee noon.
“I repeat: If we will investigate in aid of legislation just to cover up for some people, we might as well not investigate at all,” sinabi ni Lacson.
Nakatakdang magsagawa ng pagdinig si Senador Erwin Tulfo, ang bagong Blue Ribbon chairman, kaugnay ng umano’y flood-control irregularities sa Lunes, Hunyo 8.

