bro marianito

Laging bukas ang pintuan ng Panginoong Diyos para sa pagbabalik ng kaniyang Alibughang Anak (LUCAS 15:1-3, 11-32 )

195 Views

“Sapagkat namatay na ang anak kong ito. Ngunit muling nabuhay, Nawala, ngunit nasumpungan. At sila’y nagsaya”. (LUCAS 15:24)

BATID kong pamilya na pamilyar tayo sa mga katagang “kung ang aso, hinahanap. Tao pa kaya”. Ito’y pumapatungkol sa kahalagahan ng isang bagay na nawala sa atin partikular na kung ang nawawalang ito’y isang taong mahal natin. Kahit pa sabihin ng iba na wala siyang kuwenta o walang kabuluhan.

Mahirap maunawaan ng iba kung bakit natin minamahal o iniibig ang isang bagay tulad ng tao na para sa kanila ay wala naman kuwenta, walang silbi at masyadong pabigat, katulad halimbawa ng isang aso na minamahal o iniibig natin kahit na ang asong ito’y puno ng galis at tadtad ng garapata.

Basta’t ang nalalaman natin ay siya’y minamahal at iniibig natin sa kabila ng kaniyang kapintasan, kakulangan at kapansanan. Walang kuwenta sa atin kung tawagin man tayong hangal dahil sa pagmamahal at pag-ibig na inuukol natin para sa isang tao o aso na para sa iba ay wala naman “value” o halaga.

Ganito ang nararamdaman ng ating Panginoong HesuKristo para sa ating mga makasalanan dahil sa kabila ng ating mga kakulangan, karumihan at kapintasan ay nagagawa pa rin mahalin at ibigin tayo. Tinatanggap ni Hesus ang ating kahinaan kaya naman lagi siyang nakahandang magpatawad.

Ito ang ating matutungahyan sa kuwento ng “Ang Alibughang Anak” (LUCAS 15:1-3, 11-32) tungkol sa isang anak na naglayas sa poder ng kaniyang magulang at nang mapagtanto-tanto nito ang kaniyang napakalaking pagkakamali at nagawang kasalanan ay muli siyang nagbalik sa kaniyang ama.

Subalit sa kabila ng kaniyang malaking kasalanan ay nagawa parin ng ama na patawarin ang kaniyang anak. Hindi gamit ang naramdaman ng anak ng makita nito ang kaniyang “alibughang anak” kundi awa. Awa din ang nararamdaman ni Jesus para sa ating mga makasalanan. (LUCAS 15:20-24)

Mababasa natin sa Ebanghelyo na lumayas ang bunsong anak sa poder ng kaniyang ama matapos nitong makuha ang parte ng kaniyang mamanahin. Makalipas ang ilang araw ay ipinagbili nitong lahat ang kaniyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain at duon ay nilustay niya itong lahat sa hindi wastong pamumuhay.

Sa malayong lugar ay hayahay ang naging pamumuhay ng bunsong anak. Nagmistula siyang Hari na walang maaaring pumigil sa lahat ng gusto niyang gawin, nagpaka-lunod siya sa alak, kaliwa’t-kanan ang pambabae niya at kung ano-ano pang ka-imoralan ang kaniyang ginawa ng buong laya. (LUCAS 15:13)

Ngunit dumating ang pagkakataon na halos naubos at nalustay na ng bunsong anak ang lahat ng kaniyang kayamanan sa masama at immoral na pamumuhay. Nakaramdam siya ng matinding gutom at dito niya napag-tanto ang kaniyang malaking pagkakamali at sa kasalanan sa kaniyang ama.

Marahil ay maitatanong niyo kung ano ang kaugnayan ng kuwentong ito sa ating buhay. Minsan, gaya ng nangyari sa bunsong anak. Sa ating pagkakadapa ay doon natin napag-tatanto at naiintindihan ang ating mga nagawang pagkakamali sapagkat dito tayo unti-unting natatauhan at nagigising sa katotohanan. (LUCAS 15:17)

Natatauhan lamang tayo kapag dumating na rin sa ating buhay ang isang malaking dagok katulad ng mababasa natin sa kuwento ng Alibughang Anak. Nang mapag-isip isip nito ang nagawa niyang kasalanan. Hindi natin ito mararamdaman hangga’t hindi tayo nadadapa at bumabagsak. (LUCAS 15:15-17)

Kapag nasa atin ang lahat ng bagay gaya ng kayamanan, material na bagay, kapangyarihan at kung ano-ano pa. Katulad ng naging pagtrato ng bunsong anak sa kaniyang ama. Ang pakiramdam natin ay hindi rin natin kailangan ang Diyos (Ama natin) kaya tayo ay lumalayas o humihiwalay din sa kaniya. (LUCAS 15:11-13)

Sa kabila ng ating malaking kasalanan at pagkakali sa ating Panginoong Diyos. Gaya ng ama sa kuwento, hinihintay din niya ang ating pagbabalik. Nasasabik ang Diyos ama sa ating pagbabalik loob at nakahanda parin niya tayong tanggapin anomang oras na tayo ay magsisi at hingin ang kaniyang kapatawaran. (LUCAS 15:20)

Hindi mahalaga sa Panginoon ang ating kasalanan at karumihan. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang ating pagpapa-kumbaba at pag-amin sa ating mga naging kahinaan. Sa oras na magbalik loob tayo sa kaniya, hindi naman niya isusumbat sa atin ang mga kasalanan natin.

Si Jesus ay hindi lamang isang mabuting Pastol kundi isang mabuting ama. Tinatanggap niya ng buong-buo ang sinomang nagnanais magbalik loob sa kaniya. Kung sa ibang tao ay hindi na nila kayang tanggapin ang isang taong nakagawa ng malaking kasalanan. Ibahin niyo ang Panginoong HesuKristo.

Gaano man kabigat ang ating kasalanan patatawarin parin tayo ni Jesus. Gaano man tayo karumi, nakahanda parin si Kristo na tayo’y linisin. Sapagkat ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay walang kapantay at hindi kayang tumbasan. Imposible sa tao ang magpatawad, pero hindi ang Diyos.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na laging nakabukas ang pintuan ng Panginoon para sa lahat ng nais magbalik loob sa kaniya. Wala sa bokabularyo ng Diyos ang salitang “huli na o wala ng pag-asa”. Dahil ang lahat ng makasalanan na nagsisisi ay binibigyan niya ng pag-asa at pagkakataon.

Ang mga tao lamang ang maaaring magsabi na wala ng pag-asang magbago ang isang talamak na makasalanan. Pero ibahin niyo ang Diyos, lagi siyang naghihintay gaya ng ama sa kuwento sa pagbabalik ng kaniyang Alibughang Anak. Naka-abang siya kaya magbalik loob na kayo at inaantay na niya kayo sa inyong pagdating.

AMEN