BBM1

Lagpas sa target: 1.2M housing unit maitatayo ngayong taon

Jun I Legaspi Apr 20, 2023
204 Views

AABOT umano sa 1.2 milyong housing unit ang maitatayo sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program (4PH) ngayong taon, lagpas sa target na 1 milyon.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasabay ng pagpapahayag nito ng tiwala kay Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino “Jerry” Acuzar.

“So kung maka-start tayo… What are we now? Ten months? Ten months. Nag-1.2 million na si Secretary Jerry. Tingnan natin. Basta’t ipagpatuloy,” ani Pangulong Marcos sa panayam sa San Jose del Monte City.

“Malaking kumpiyansa ko kasi noong nasa private sector siya nagagawa niya talaga eh. Alam niyang gawin eh. So I think we just wait for the actual structures to start coming up. ‘Yan, puntahan din natin ‘yan pagka nangyari na,” sabi pa ni Pangulong Marcos.

Isang groundbreaking ang ceremony ang isinagawa sa anim na housing project sa Bulacan kung saan makakapagtayo ng hanggang 30,000 bahay.

Kabilang sa nabanggit na mga housing project ang San Rafael Heights Development Project sa Barangay Caingin, San Rafael, Rising City Residential Project sa Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte City, at Mom’s Ville Homeowners Association Incorporated Project sa Barangay Penabatan, Pulilan.

Target ng Marcos administration na makapagtayo ng 1 milyong housing unit kada taon sa loob ng anim na taon.