Calendar

Lalaki binugahan ng bala, bulagta
DEAD-on-the-spot ang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi nakikilala at nakatakas na salarin sa Magsaysay corner Sampaloc Sts., Brgy. 120, Tondo, Manila noong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si alyas Vincent, 27, ayon sa report. Nakatakas naman ang salarin matapos ang pamamaril sa biktima.
Ayon sa report ni Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District, bandang alas-4:45 ng umaga ng mangyari ang insidente.
Sa kwento ng saksing si alyas Rodolfo, habang nasa loob siya ng bahay may narinig siyang sumisigaw sa sakit na lalaki.
Makaraan ang ilang minuto, nakarinig na siya ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nang silipin niya mula sa pintuan, bumungad sa kanya ang wala ng buhay na biktima na nakahandusay sa semento at duguan.
Itinawag sa istasyon ng pulis ang insidente bago ipinaalam sa MPD-Homicide Section para magsagawa ng imbestigasyon sa krimen.