Malabon Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan

Lalaki inambush ng naka-motor sa Malabon, tigok

Edd Reyes Sep 30, 2024
7 Views

TIGOK ang isang binata nang ratratin ng lalaking angkas ng motorsiklo sa harap ng apartment noong Linggo sa Malabon City.

Isinugod pa sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si alyas Gob o alyas Ka Rodel subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Tumakas naman ang gunman sakay ng motorsiklong minamaneho ng kasabuwat patungo sa hindi nabatid na lugar bitbit ang ginamit na hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa ulat nina P/MSgt. Michael Oben at P/SSgt. Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatayo sa harapan ng kanyang tinitirhang apartment sa16-F Villarba St., Brgy. Tinajeros nang dumating ang mga suspek na dakong alas-8:00 ng gabi.

Bigla na lamang pinaputukan ng sunod-sunod ng salarin ang biktima na nasaksihan ng 26-anyos na testigo na residente rin sa naturang lugar.

Nakuha sa lugar na pinangharihan ng krimen ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) ang walong basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.